Miyerkules, Hulyo 2, 2014

Sa Araw na ito Usman Awang (Malaysia) Salin ni Federicio Licsi-Espino



Sa araw na ito, puro kapaitan ang ating nararamdaman.
Binabalot ang hangin ng bulok na dugo,
Patay na ang lahat ng tinig sa ilalim ng tahimik na tadyang.

Mag-iingat ka sa pakikipag-usap mo kahit kanino;
Kahit sa kulungan, may mata ng espiya.

At lahat ng ito ay isusulat mo, makata,
Ang talim ng iyong panulat ay makahihiwa sa katad ng pagdurusa!
Tinuturuan ka ng panahong ito upang mabuhay sa ipukrisya,
O iligtas ang sarili sa pagtangu-tango.

At ikaw naman, peryodista, ay lumilikom ng balita,
Ang talim ng iyong panulat ay makapupugto sa ugat ng kanilang kalokohan!
Nananahimik ka, ang mga kamay mo’y nakasusi sa ilalim ng mesa:
Tinuturuan ka ng panahong ito upang isulat at purihin ang progreso.

Pinahihirapan tayo ng lahat ng bagay pagkat may bakal na kamay sa itaas.
Nakababagot ang lahat ng bagay pagkat lahat ng ito ay huwad.

1 komento:

  1. Paksa: politikal na panunupil
    Mga talinghagang pwedeng bigyang kahulugan:
    1. bulok na dugo
    2. patay na tinig
    3. tahimik na tadyang
    4. talim ng panulat
    5. katad ng pagdurusa
    6. makapugto sa ugat ng kalokohan
    7. kamay na nakasusi sa mesa
    8. isulat at purihin ang progreso
    9. bakal na kamay

    May-akda:
    Usman Awang (1929-2001, makata, mandudula, nobelista)
    Sumusulat ng mapamunang tula sa panahon ng diktatorya ni Mahathir Mohamad

    May simpatiya sa mga manunulat at ordinaryong tao na sinusupil ng Diktador.

    Sa pagbasang pang-kasarian, mahalagang pagtuunan ng pansin ang mga salitang "tadyang" (kung saan hinugot ang kababaihan), "talim ng panulat" na sumisimbolo ng kapangyarihan ng lalaki.

    TumugonBurahin