Linggo, Hulyo 13, 2014

Protesta at Kamatayan sa “Sa Araw na Ito” ni Usman Awang



Malakas ang dating ng tulang “Sa Araw na Ito” ni Usman Awang bilang isang tulang protesta at tagamarka ng hangaring panghinaharap.  Sinulat ito sa mga panahong may isang pinuno ang bansang Malaysia na gumagamit ng “bakal na kamay.” 

Nagsimula ang tula sa paglalahad ng kabuuang larawan ng isang lipunang inilalarawan ng mga salitang “kapaitan,” “dugo,” at “kamatayan.”  Na kahit nasa bilagguan na at hindi magagawang kumalaban ay minamanmanan pa rin.  Tinukoy ng tula ang mga makata at peryodista bilang mga tauhang nakakakita ngunit nananatiling bulag sa katotohanan.  Sabayang ipinakilala ang kanilang potensiyal bilang tagapagbago at gayundin bilang instrumento ng mapanlinlang na politiko.  Ang kanilang armas na panlaban—ang panulat—ay sinasabing walang “talim” at nagiging mapurol dahil sa sila’y nababayaran o kung hindi man ay pinagbabawalan.  Ayon nga sa tula ang makata ay “[t]inuturuan (ka) ng panahong ito upang mabuhay sa ipukrisya,/O iligtas ang sarili sa pagtangu-tango.”  At ang mga peryodista naman ay “[n]ananahimik (ka), ang mga kamay (mo’y) nakasusi sa ilalim ng mesa:/ Tinuturuan (ka) ng panahong ito upang isulat at purihin ang progreso.”

Nagtapos ang tula sa pagpapakilala ng pinagmulan at tagalikha ng “pait” sa buhay ng mga mamamayan at tagapagpapatay sa kanilang mga intelektwal at mamamahayag—ang tinatawag ng “bakal na kamay sa itaas.” 

Si Awang ay ipinanganak na mahirap, naging tagahila ng sakayan (coolie) at naging isang pulis.  Nging miyembro ng samahang Angkatan Asas ’50 na sinasabing “nagpasigla sa klimang pampanitikan” dahil sa mga sulat nilang pumupuna sa mga suliraning panlipunan (www.wikipedia.com) ang may malaking impluwensiya sa kanilang panulat.  Sinasabi ring naging kakilala siya ni Anwar Ibrahim, ang Deputy Prime Minister ni Mahathir Mohamad, na nakulong dahil sa mga sinasabing walang katotohanang mga paratang.  Marahil masasabing ang tinutukoy na “bakal na kamay” sa tula ay walang iba kundi si Mohamad mismo, na siyang nanungkulan noong mga taong 1980s, kung saan maraming politikal na panunupil ang naganap sa ngalan ng tunguhing industriyalisasyon ng bansang Malaysia.  Sa kabila ng sinasabing pag-unlad, marami pa ring kritiko ang hindi naniniwala:

During the 1970s and ‘80s rural poverty did decline, particularly in the Malayan Peninsula, but critics of the government’s policy contend that this was mainly due to the growth of overall national prosperity (due in large part to the discovery of important oil and gas reserves) and migration of rural people to the cities rather than to state intervention. (www.wikipedia.org)

Dahil sa pamumunang ito nagkaroon ng “kamay na bakal” ang gobyerno lalo na ang kanilang punong ministro na mahigpit ang paniniwalang “multiethnic Malaysia could only remain stable through controlled democracy” (www. wikipedia.org). Hindi ito nakapagtataka sa isang bansang tulad ng Malaysia na sinakop ng banyagang kolonisador, ang mga taga-Britanya, at pinamumunuan pa ng mga sultan (Banasihan e. al. 2001, 233). Ang pananaw na marahil ang naghikayat sa mga manunulat tulad ni Awang na isiwalat ang panunupil sa karapatang pantao sa kanilang bansa.

Sa isang bansang dominanteng tinitirahan ng mga Muslim na Malay, ang babae ay karaniwang naisasantabi lamang.  Sa tula ay walang presensiya ang babae, subalit kapansin-pansin na ang pinanggagalingan ng “tinig” na pinatay ay ang bahagi ng katawan kung saan hinugot ang imahen at katauhan ng babae—ang tadyang.  Maaari itong basahin bilang siyang pinanggagalingan ng rebolusyonaryong tinig, at ito ay may kasariang babae.  Ang kasariang babae kung ganoon, sa kabila ng pagiging absent, ay naririyan lang at naghihintay na pukawin para sa adhikaing pagbabago.

Kapansin-pansin din ang pagtukoy sa lalaki bilang siyang may hawak ng “talim ng panulat” na siyang kokontra sa “kamay na bakal.”  Magkagayunpaman, ang panulat na ito ay masasabing “walang talim” dahil hindi nagagamit o napapasunod ayon sa kagustuhan ng politiko.  Kung ang sumisimbolo sa lalaki at ang “talim,” ang kabaliktaran nitong “purol” naman ang sa babae.  Ang simbolo ng lalaki kapag inirepresenta ay maaaring ipakita bilang “I” at ang sa babae naman ay “u” na kapag pinagsama ay magiging mukhang “espada” na siyang tutusok sa “bakal na kamay” ng diktador.  Ang pagsasama-sama kung ganoon ng dalawang kasarian ang maaaring umakda ng isang posibilidad ng rebolusyon at pagbabago.  Sa gayon, ang tulang “Sa Araw na Ito” ay hindi na tutuloy sa madugong kamatayan ng mga intelektwal at manunulat ng Malaysia.


Mga Sinangguni

Banasihan, Ma. Estela et. al. (eds). 2001. Asya, Lupang Biyaya: Kasaysayan, Kabihasnan at Kalinangan. Pasig City: Anvil Pub. House.

http://en.wikipedia.org/wiki/Usman_Awang

http://en.wikipedia.org/wiki/History_of_Malaysia

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento