Ang Istrukturalismo ay nakaugat sa
paniniwalang ang kahulugan ay maaari lamang mapalitaw kapag ito ay tiningnan sa
mas malawak na istruktura---ang istruktura ng wika. Ang kahulugan ay nakapaloob sa sistema ng
wika (ang tinatawag na langue) na
nakadepende naman sa aktwal na sinasabi o binigkas (ang parole). Kayat kung
paghambingin ang Formalismo at Istrukturalismo: habang ang Formalismo ay
“lumalapit” sa teksto ang Istrukturalismo naman ay “lumalayo” para higit na
makalapit sa konteksto (pero sa kabilang banda, pareho ding gumagamit ng ‘close
reading’).
Unang binuksan ang ganitong pananaw ng
linguista na si Ferdinand de Saussure.
Inimbento niya ang konsepto ng pagiging arbitrary ng kahulugan ng salita---na walang isang salita na
nakakatayo na mayroong kahulugan. Ang
kahulugan ay malilikha lamang sa relasyon
ng salitang ito sa iba pang salita kung saan ito ay napapabilang (meanings are relational). Nalilikha lamang kung ganoon ang kahulugan
dahil sa pagkakaiba (difference) ng salita sa iba pang
salita. Halimbawa nito ang kahulugan ng
kulay na “pula” sa water dispenser: “pula”=mainit. Iba ito sa “bughaw”=malamig. Itong pagkakaiba ang nagbigay sa pula ng
kahulugan. Siempre pa kung ang kulay
pula ay makikita na hindi na bughaw ang katabi, mag-iiba ang kahulugan
nito. Itinuring din ni Saussure ang wika
bilang sistema ng senyas (sign) na binubuo ng tagasagisag (signifier) at
sinasagisag (signified). Sa halimbawang
nabanggit sa itaas ito ang representasyon:
Tagasagisag (“pula”)
Sinasagisag (“mainit”)
Tinawag ng mga teorista ang sistemang
ito na semiotics o semiology (parang unang binanggit ni
Derrida?). Pero dapat pansinin na
hindi ito naging limitado sa diskurso ng wika ngunit ng kabuuang istruktura na
hakop pati kinship system, totem symbol, mito at iba pa na siya namang
pinag-aralan ni Claude Levis- Strauss, isang antropologo. Ang antropolohikal na pananaw na ito ang
ginamit ni (Roland) Barthes para basahin ang
sistema ng senyas sa halos lahat ng bagay mula sa damit, gusali, wrestling at
pagkain (Basahin ang kanyang Myth Today, 1957 at masasabing si Barthes (later Barthes) ay nasa
postistrukturalismo na).
Sa mga naratibo naman ay ginamit ng
mga istrukturalista ang analohiya ng wika kung saan ang konsepto ng “syntax” sa
pangungusap ay ginawang modelo para sa kanilang analisis. Si Vladimir Propp, halimbawa, ay nakalikha ng
analisis ng istruktura ng fairy tales sa pamamagitan ng simuno (subject) at
panaguri (predicate) ng pangungusap. Ang
“simuno” bilang hinahalinhinan ng bida at ang “panaguri” bilang aksiyon na
nagmula sa bida. Mula dito ay nabuo niya
ang naratibo ng pagkasunod-sunod ng pangyayari mula sa pagpapakilala sa bida
hanggang sa kanyang pagpapakasal sa “premyo” (karaniwan prinsesa) at pag-upo sa
trono. (Subalit ang teoryang ito ni Propp ay in-assume
na ng Naratolohiya.) Pinaikli
naman ito ni A. J. Greimas sa pagpapakilala ng:
Subject/Object
Sender/Receiver
Helper/Opponent
kung
saan ang mga aksiyon ay maaaring klasifikahin sa performative (tests, struggles
etc.), contractual (establishment and breaking of contracts), at disjunctional
(departure at returns).
Sa kaso ni Levi-Strauss, hindi ang
sequence ng naratibo ang kanyang naging interes kundi ang pattern ng
istruktura kung saan mahuhugot ang kahulugan na siyang lumikha ng institusyong
panlipunan at kaalaman. Dito
naimbento ang konsepto ng kabilaang tunggalian (binary opposition); ang
tunggalian na maaaring irepresenta sa mga sumusunod na salita tulad ng
hari/alipin, mayaman/mahirap, natural/kultural at iba pa.
Sa kabuuan, masasabi na ang
istrukturalismo ay lumitaw bilang reaksiyon sa namamayaning teorya na
Formalismo. Layon nitong isantabi ang
autoridad ng awtor at itanghal ang paghahari ng sistema (wika) kung saan ang lahat
ng kahulugan ay matatagpuan. Nasa
paniniwala nito na wala nang bago sa mga sinusulat dahil lahat ay “nasulat
na.” Nauna na ang wika sa paglikha ng
kahulugan kesa sa magsusulat pa lang.
Magkapareho nga lang ang dalawang
“ismo” (formalismo at istrukturalismo) sa pananaw na mayroong sentro o
unibersal. Kung sa una, ang unibersal ay
nakapaloob at matatagpuan sa metapisikal na entidad (esensya, katauhan, Diyos)
sa huli naman ay ang pinagmulan (maaring code, batas o sistema). May kakulangan pa rin ang istrukturalismo
dahil binabalewala nito ang ibang realidad tulad ng realidad ng kasaysayan na
kahit ang diskurso ng tunggalian (binary opposition) ay hindi hiwalay dito. Isa
pang puna sa istrukturalismo ay ang akto nito ng pagpanig sa isang diskurso
(privileging) na hindi maiiwasang isang politikal na gawain. Kayat ang pagpapakahulugan ng istrukturalista
ay maaari pa ring isabjek sa isang interogasyon. (Malimit
ang ginagamit lamang ay ang kay de Saussure na signifier-signified at
Levi-Strauss na binary opposites.)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento