Biyernes, Hulyo 18, 2014

Ako ang hindi Ikaw, ang Tao at hindi Hayop: Isang Istruktural na Pagbasa ng Tulang “Ako” ni Chairil Anwar



“Patay na ang may-akda.”
-       Roland Barthes

Kung susundan natin ang sinasabi ng mga Istrukturalistang teorista na ang kahulugan ay wala sa lumikha ng akda ngunit nasa sistema ng wika (Lodge 1988, 1), ang tulang “Ako” ni Chairil Anwar ay maaaring basahin bilang kabilaang salungat (binary opposition), na isang “device para mag-isip, paraan ng pagklasipika, at pag-organisa ng mga realidad” (Eagleton 1996, 90) sa kuwento. 

Ang tagasagisag (signifier) na “Ako” (na may malaking titik sa unahan) ang nagsasalita sa tula, at siya ring kumakausap sa (hindi nakikilalang) “Ikaw.”  Ang Ako ay sumasagisag (signified) ng isang (mabangis na) “hayop” sa ikatlong taludtod.   Nasukol si Ako ng mga “kaaway” (kabaliktaran ng “kasama”) kayat sa kanyang mga huling sandali—habang hinihintay ang kamatayan—ay nagpakita ng kabangisan.  Ngunit ang ginagawang “pagpapakamatay” ni Ako para sa adhika ng kanilang “samahan” ay naging isang makaTaong gawain dahil sa kanilang “pagsulong” at “pagsalakay” para sa kanilang adhikain.  Si Ako, kung ganoon, ay hindi na hayop ngunit isa nang tao.

Dahil naging isang tao si Ako, si Ikaw—ang bumaril sa kanya—na ang hayop.  Si Ikaw bilang isang hayop ang siyang may kagagawan ng pagkawala/pagkamatay ng iba pang “kasama” ni Ako.  Si Ikaw ang pinanggalingan ng “punglo,” “sugat,” “sakit,” at “tiisin” ng lahat ng kasamahan ni Ako.

Ang pagpatay ni Ikaw, ang hayop,  kay Ako, ang tao, ay nagdala kay Ako sa pagiging isang Bayani (“mabuhay ng sanlibong taon”).  Ang pagkamatay/pagpapakamatay ni Ako ay naging isang makaBayaning gawain.  Si Ako/Tao/Bayani ang (mga) ang kabilaang salungat ni Ikaw/Hayop/Traidor


Mga Sinangguni:

Eagleton, Terry. 1996. Literary Theory: An Introduction. Oxford: Blackwell Publishing.

Lodge, David (Ed.). 1988. Modern Criticism and Theory: A Reader. New York: Addison
Wesley Longman Inc.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento