Ang Formalistang at Liberal na Humanismo pananaw ay nakaugat sa
adhikaing ilagay sa sentro ang tao--- humanismo ang tawag dito. Dahil dito ang mga konsepto tulad ng
“unibersal” at “pagpapahalaga” (buhay at pagkatao,
pilosopikal na tema at textong ironiya---mga pangunahing elemento) ang
ninanais na ilantad mula sa textong pampanitikan. Nakasandig sa “unibersal” ang paglakbay ng
kahulugan saan mang espasyo at panahon para maituro sa tao kung paano ang
magpakatao (na isang pagpapahalaga).
Pinutungan ng mga formalista ng korona si Shakespeare dahil dito;
naniniwala sila na ang mga sinulat ni Shakespeare ay “walang kamatayan” at
dapat lamang tawaging “canon.” Dala-dala ng mga kanonisadong teksto ang ang
konsepto ng “sentro”: ang pagkakaroon ng esensya, konsiyensya, katotohanan at
Diyos (logosentrismo at metaphysics of the presence sa
mga deconstructionists).
Sabay ng ganitong pananaw ay ang
pagtingin sa teksto ng panitikan bilang hiwalay sa lipunan kung saan ito
nagmula o lipunang bumabasa nito (umiiwas lamang ang
formalismo dito). Importante na
mailantad ang tinatawag na “literariness” ng akda para idambana ang estetikong
kagandahan. Una sa lahat kasi ay dapat
maging “maganda” ang isang akda. Sekondarya
na lang ang sinasabi nito (ang texto ay katumbas ng
kontexto). Kung ang kahulugan
kasi ang unang pag-uukulan ng pansin ay nagiging propaganda ang akda (kritika ng marxismo).
Sinasabi rin na ang porma at nilalaman ay dapat magkaroon ng “internal
na dialog” para maipalabas ang kagandahan na unang mag-uugat sa pagkakasulat.
Sa paglalagay ng tiwala sa
“dipamilyarisasyon,” isang teknik kung saan ang pamilyar ay ginagawang
di-pamilyar (para itanghal ang pagiging pamilyar) at “objective-correlative”
gamit ang kongretong mga imahen at ang mga literary devices na magtatanghal sa
ironiya at metapora, nabibigyang saysay ang formalistikong produksiyon at
pagsusuri ng akda. Ito ang mga
kaparaanang pinaniniwalaan na maghahawan sa landas ng tunay na interaksyon ng
manunulat at mambabasa sa paglikha ng kahulugan (gaano man ka-ambiguous ang
akda) (sa kabilang banda, ito ay isa ring pamamaraan
para ilihis ang mambabasa sa tunay na kalagayang panlipunan at huwag silang
hikayating gumalaw at baguhin ang namamayaning sistema).
Sa mga nabanggit na pagdulog sa itaas,
ang may-akda, kahit siya ang tinuturing na bukal ng kahulugan, ay nagkakaroon
ng impersonal at malayong hagod sa kanyang paksa. Importanteng maipakita niya ang pagtitimpi (restraint, na isang modernong atityud) sa
pagtatalakay ng mga paksa. Kaya nga’t
kailangan niyang sumandig sa prinsipyong “ipakita huwag sabihin.”
Ang teksto bilang perfektong tagadala
ng kahulugan ay kinakailangang magkaroon ng kaisahan (unity) at kabuuan
(coherence). Kapag nagawa ito, ang damdamin ng mambabasa (affect) ay higit na
maaantig---madadanas niya ang ligaya ng pagbasa, gayundin ang realisasyon ng
gamit sa praktika (dulce
et utile).
Naniniwala rin ang Formalismo sa idea
ng “pagpapatuloy” ng Tradisyon (ng pagsusulat, genre, atbp., na sinimulan ng
mga naunang manunulat) kayat ang pagbasa ay maaaring ibalik sa mga nauna nang
kalakaran sa pagsusulat. Maliban sa
pagbabalik-balik lamang ng porma (code ng pagsusulat) puspos din ng mga alusyon
mula sa mga naunang akda ang mga bagong akdang akda.
Sa kabuuan, dalawang school of thought
ang pinaghanguan ng Formalismo, ang Liberal Humanism na naniniwala sa kapasidad
ng individwal bilang tagalikha ng kahulugan, ng (American) New Criticism na
nagpako ng tingin sa nakasulat na “teksto” at ang (Russian) Formalism na ang
layunin ay tratuhin na isang scientific investigation ang pagbibigay-kahulugan
sa akda (kasama na kung bakit ganoon ang epekto
sa mambabasa).
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento