Hindi malinaw sa mga teorista kung ano
ang relasyon ng Post-istrukturalismo sa naunang Istrukturalismo. Sa iba ito ay sinasabing reaksyon at kritika
ng Istrukturalismo. Sa iba naman ito ay
pagpapatuloy sa naumpisang metodo. At sa
iba pa, ang paghila sa Istrukturalismo sa ekstrim nitong dulo.
Sa pananaw ng istrukturalismo, ang
kahulugan ay malilikha lamang sa
pamamagitan ng wika. Ang wika lang kasi
ang lunan ng lahat ng pagpapakahulugan.
Sumasang-ayon dito ang Post-istrukturalismo kaya lang hindi naniniwala
ang mga Post-istrukturalista na definitibo at matatag (stable) ang kahulugang
ito dahil hindi lahat ng pagpapakahulugan ay nasasakop ng wika. Sa ganitong puwang ipinasok ng
Post-istrukturalismo ang pilosopiya. Lohikal ang pagpasok ng pilosopiya dahil ito
ang disiplina na palaging may banggaan ng pagpapakahulugan.
Pinaniniwalaang ang pilosopiya ay
siyang makakapagpalitaw ng kahulugan ng mga blanko, espasyo, absent, puwang
(mga salitang pinasikat ni Jacques Derrida) na hindi nilantad sa panitikan
(minabuti itong tawaging “writing” ni Roland Barthes). Ginamit din niya ang salitang “texto” para
tukuyin ang bahagi ng writing na bukas
sa pagpapakahulugan ayon sa persepsyon, resepsyon at pagbasa ng mambabasa.
Sa pananaw ng Post-istrukturalismo,
hindi buo ang texto at ito ay walang sentro.
Hindi buo dahil sa akto pa lang ng pagsusulat ay nagkakaroon na ng
pagdududa na baka hindi mabasang mabuti ang ina-akda. (Tinawag itong aphasia ng isang teorista, tumutukoy sa isang
linguistikong sakit.) Itong kawalan ng
kasiguruhan din ang naglalagay sa texto para maging di-matatag ang kanyang
sentro---na pwedeng dumausdos ang kahulugan nang walang tigil (kay Jacques
Lacan ito ay maaaring ilarawan sa S/s
o ang di-matatag na relasyon ng signifier at signified; kay Barthes naman ito
ay maaaring ilarawan ng konsepto ng senyas
kung saan ang signified ay maaaring maging bagong signifier hanggang sa dumami
nang dumami ang signifikasyon.
|
2.
Sinagagisag
|
|||
3. Signos
|
|
II. SINASAGISAG |
||
III. SIGNOS |
Isa sa mga naging sandigan ng ganitong
pananaw ay ang sinulat ni Barthes na “The Death of the Author” noong 1968 kung
saan kinuha niya sa author ang karapatang maging autoridad ng kahulugan at
inilipat sa mambabasa. Itinuring na
lamang ang author na “daluyan” ng texto na itinuturing na hindi naman orihinal
na nanggaling sa kanya ngunit na-akda na ng mga naunang sumulat (o ng langue ng
lipunan?). (Ginamit ang salitang ‘intertexto” (maaaring
ituring na bahagi lamang ng langue?) para
kilalanin ang ganitong katangian ng texto.) Ang ganitong pagtumba ay naging
simbolikal din ng pagtumba ng tinawag ni Derridang “mytaphysics of the
presence” kung saan ang Kaalaman/Kapangyarihan (‘knowledge/power’---
termino ni Michel Foucault) ay nakapaloob sa “logosentrikong” pananaw---may
sentro, esensya, buo, at makatao. Ayon
nga kay Barthes, tanging sa pagbabalik lamang sa mambabasa ng kapangyarihang
maglikha ng kahulugan mapapatumba ang hegemonya ng namamayaning ideolohiya.
Kaya naisulat niya na “the death of the author is the birth of the reader.”
Kinilala din ni Barthes ang dalawang
uri ng texto: ang “readerly” at ang “writerly” text. Ang una ay tumutukoy sa textong “buo na” at
hindi na nangangailangan ng partisipasyon ng mambabasa sa proseso ng paglikha
ng kahulugan at ang pangalawa naman ay humihingi ng aktibong partisipasyon sa
pagbuo ng akda at gayundin ng paglikha ng kahulugan (ito ang katangian ng mga
akdang postmoderno kung saan walang hayag na kaisahan at kaugnayan ang mga
elemento: karakter, lugar, panahon at banghay).
Kaugnay nito, sa kanyang pinakahuling pagteteorya ay nasulat niya ang
“Pleasure of the Text” kung saan kinilala niya ang dalawang uri ng text base sa
ligayang naidudulot nito: (1) ang
“plaisir” na mula sa readerly text at ang (2) “jouissance” o ang sobra-sobrang
ligaya na nakukuha dahil sa pagkabalisa at pagkulabu ng utak ng mambabasa.
Samantala, ang ginawang pagdesentro ni Barthes
ng author ay tinumbasan naman ni Derrida ng pronouncement na “wala naman
talagang sentro” ang kaalaman. (Nauna na
dito si Friedrich Nietzsche na nagsabi ng “there are no facts, only
interpretations”) Nasa proyekto ni Derrida ang tinatawag na pag-dikonstrak ng
mga kaalaman. Ayon sa kanya, ang pagbasa at pagbibigay-kahulugan ay hindi dapat
muling-paglikha (reproduksiyon) ng kaisipan sa texto, ito ay dapat gawing
produksyon---ang bawat pagbasa ay paglikha ng bagong kaalaman. Sa interpretasyon ni Jonathan Culler ng sulat
ni Derrida:
“To deconstruct a
discourse is to show how it undermines the philosophy it asserts, or the
hierarchical oppositions on which it relies, by identifying in the text the
rhetorical operations that produce the suppose ground of argument, the key
concept or premise.”
(Dito nalilikha
ang bagong kaalaman; na sa terminolohiya ni Foucault ay ‘nilupig na kaalaman o subjugated knowledges.)
Krusyal sa metodong dikonstraksyon ang
tinatawag ni Derrida na konsepto ng “play.”
Ang play ay gawain sa isang espasyo kung saan walang hangganan ang
posibilidad ng paglikha ng kahulugan sa kadahilanang nawalan na ng
kapangyarihan ang sentro na maglimita ng kahulugan dahil nga wala na ito sa
sentro. Dagdag pa, ang “play” ng
kahulugan ay palagi ring “play” ng absent at present sa textong binabasa. Iniistorbo ng “play” ang (“metaphysics” ng) presence para mailantad ang mga nabaon
at nakatagong mga kahulugan. Sa kabilang
banda, ang “play” ay may hangganan rin, ang hangganan ng wika. Ito (marahil) ang
ibig sabihin ng isinulat niyang, “There is nothing outside the text.”
Sa pag-aaral ni Derrida sa texto ni
Levi-Strauss ay nadiskubre niya ang bricolage,
o ang matatawag na “critical language” at puweding magamit sa
kritisismo. Binigyang-konsepto ito ni
Levi-Strauss na may referensya sa gumagamit na “instruments he finds…those
which are already there… even if their form and their origin are heteregenous
and so forth.” (Kung aaralin si Derrida, malalamang
marami siyang hiniram na paraan ng pagbasa sa Istrukturalismo.)
Target ng dikonstruksiyon ni Derrida
ang sentro
na siyang nagtatanghal ng fundamental na prinsipyo ng presence: esensya,
eksistens, laman, sabjek, kamalayan, Tao, Diyos. Ang mga ito ang mga naghihintay na dapat
idisentro sa mga textong babasahin dahil ang mga ito, ayon kay Derrida, ay mga
ilusyon na nagpapanatili ng istruktura, sistema, porma, totalidad, sara
(closure) at pinanggalingan (origin). Sa
mga nabanggit nakamapa, nakamarka, nakapaloob at higit sa lahat nalikha
(konstrakted) ang kahulugan at kaalaman na nang-itswapera o nagmarginalays sa
kanyang tinatawag na ‘iba’ (other).