Miyerkules, Hunyo 25, 2014

Ilang tala para sa pagbasang Pormalismo



             Ang Pormalistang pananaw ay nakaugat sa adhikaing ilagay sa sentro ang tao—humanismo ang tawag dito.  Dahil dito ang mga konsepto tulad ng “unibersal” at “pagpapahalaga” (buhay at pagkatao, pilosopikal na tema at textong ironiya—mga  pangunahing elemento) ang ninanais na ilantad mula sa textong pampanitikan.  Nakasandig sa “unibersal” ang paglakbay ng kahulugan saan mang espasyo at panahon para maituro sa tao kung paano ang magpakatao (na isang pagpapahalaga).  Dala-dala ng mga kanonisadong teksto ang ang konsepto ng “sentro”: ang pagkakaroon ng esensya, konsiyensya, at katotohanan.

Sabay ng ganitong pananaw ay ang pagtingin sa teksto ng panitikan bilang hiwalay sa lipunan kung saan ito nagmula o lipunang bumabasa nito.  Importante na mailantad ang tinatawag na “literariness” ng akda para idambana ang estetikong kagandahan.  Una sa lahat, dapat maging “maganda” ang isang akda.  Kung ang kahulugan ang unang pag-uukulan ng pansin, nagiging propaganda ang akda. Sinasabi rin na ang porma at nilalaman ay dapat magkaroon ng “internal na dayalogo” para maipalabas ang kagandahan na unang mag-uugat sa pagkakasulat.

Sa paglalagay ng tiwala sa “dipamilyarisasyon,” isang teknik kung saan ang pamilyar ay ginagawang di-pamilyar (para itanghal ang pagiging pamilyar) at “objective-correlative” gamit ang kongretong mga imahen at ang mga literary devices na magtatanghal sa ironiya at metapora, nabibigyang-saysay ang pormalistikong produksiyon at pagsusuri ng akda.  Ito ang mga kaparaanang pinaniniwalaan na maghahawan sa landas ng tunay na interaksiyon ng manunulat at mambabasa sa paglikha ng kahulugan.

Sa mga nabanggit na pagdulog sa itaas, ang may-akda, kahit siya ang tinuturing na bukal ng kahulugan, ay nagkakaroon ng impersonal at malayong hagod sa kanyang paksa.  Importanteng maipakita niya ang pagtitimpi (restraint, na isang modernong atityud) sa pagtatalakay ng mga paksa.  Kaya nga’t kailangan niyang sumandig sa prinsipyong “ipakita huwag sabihin.” 

Ang teksto bilang perpektong tagadala ng kahulugan ay kinakailangang magkaroon ng kaisahan (unity) at kabuuan (coherence). Kapag nagawa ito, ang damdamin ng mambabasa (affect) ay higit na maaantig—madadanas niya ang ligaya ng pagbasa, gayundin ang realisasyon ng gamit sa praktika (dulce et util).

Naniniwala rin ang Pormalismo sa idea ng “pagpapatuloy” ng Tradisyon (ng pagsusulat, genre, atbp., na sinimulan ng mga naunang manunulat), kayat ang pagbasa ay maaaring ibalik sa mga nauna nang kalakaran sa pagsusulat.  Maliban sa pagbabalik-balik lamang ng porma (code ng pagsusulat), puspos din ng mga alusyon mula sa mga naunang akda ang mga bagong akdang akda.

Sa kabuuan, dalawang school of thought ang pinaghanguan ng Pormalismo, ang Liberal na Humanismo, na naniniwala sa kapasidad ng indibidwal bilang tagalikha ng kahulugan; at ng Bagong Kritisimo, na nagpako ng tingin sa nakasulat na “teksto” na ang layunin ay tratuhin na isang scientific investigation ang pagbibigay-kahulugan sa akda.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento