Miyerkules, Hulyo 29, 2015

Ang Buwang Hugis-Suklay (Laos)



Ang Buwang Hugis-Suklay (Laos)
Walang may-akda
salin  ni Romulo N. Peralta

Noong unang panahon, may isang mangingisda na nagpaalam sa kaniyang asawa na lumuwas sa kabayanan upang mamili ng mga gamit sa pangingisda. Nagpabili ang kaniyang asawa ng kendi para sa kaniyang anak na lalaki, at isang suklay na hugis buwan. Sinabi ng kaniyang asawa na upang hindi niya makalimutan, tumingala lamang siya sa kalangitan at makikita niya ang buwang hugis-suklay.
Sa araw na iyon, ang buwan ay talaga namang magsisimula nang maging hugis-suklay.
Nagsimulang humayo ang mangingisda at matapos ang maraming araw at gabi ng paglalakbay, narating niya ang kabayanan. Agad-agad niyang binili ang mga kagamitan sa pangingisda at ang kendi para sa anak. Ngunit sa kasamaang palad, nakalimutan niya ang ipinagbilin ng asawa na dapat bilhin. Naghalughog siya sa buong tindahan upang maalala lamang niya ang ipinabili ng asawa. Napansin ito ng tagapangalaga ng tindahan.
“Maaari ko po ba kayong tulungan?,” tanong ng tagapangalaga sa mangingisda.
“Hinahanap ko ang ipinabibili ng aking mahal na asawa.” tugon naman niya.
“Pampapula ho ba ng labi?”
“Hindi.”
“Pitaka?”
“Hindi rin.”
“Unan?”
“Unan? Naaalala ko na! Sinabi niyang tumingala ako sa buwan.” Masayang tugon ng mangingisda.[1] Tumingala ang tagapangalaga at nakita ang bilog na bilog na buwan na siya ring nakita ng mangingisda sa kaniyang pagdating sa kabayanan mula sa mahabang paglalakbay.
“Alam ko na. Makikipagpustahan ako sa ‘yo. Ito ang gusto ng asawa mong bilhin mo para sa kaniya,” panghahamon ng tagabantay ng tindahan. Agad-agad na inilagay ng tagabantay ang bilog na bagay sa isang supot. Binayaran ito ng mangingisda at lumisan. Sa kaniyang pagdating, nadatnan niya ang nag-aabang niyang asawa, anak, ang kaniyang ina at ama.
“Kumuha ka ng kendi,” ang sabi niya sa kaniyang anak.
“Natandaan mo ba kung anong ipinabili ko sa ‘yo?,” ang tanong ng kaniyang
asawa. Masayang itinuro ng mangingisda ang lukbutan na kinalalagyan ng kaniyang
binili para sa asawa.
“Wala naman dito ang suklay na hugis-buwan,” pasigaw na sabi ng asawa.
Lumapit ang mangingisda sa kinalalagyan ng lukbutan, dinukot ang supot at
inabot sa asawa. Pinunit ng asawa ang supot at nakita ang sarili sa salamin kasabay ng
panghahamak. Ganoon na lamang ang pagkabigla ng mangingisda sa naging reaksiyon ng asawa.

“Bakit ka nagdala ng mia noi[2]? Ito’y isang pang-aalipusta!” pasigaw ng asawa.
Hinablot ng ina ng lalaki ang salamin at nagwika.
“Nakakadiri ka nga. Nagdala ka ng mia noi, na napakatanda na at nangungulubot pa. Paano mo ito nagagawa?” Tumayo ang kaniyang anak na noo’y nakaupo malapit sa kaniyang lola at hinablot ang salamin.
“Lolo, tingnan ninyo. Kinuha niya ang aking kendi at kinakain pa.” pagalit na sabi ng bata.
“Tingnan ko nga ang masamang taong ito.” Hinablot ng lolo ang salamin mula sa bata.
“Iniismiran pa ako ng kontrabidang ito! Sasaksakin ko nga ng aking patalim.” Inilapag sa sahig ng lolo ang salamin at inundayan ng saksak.
“Sasaksakin din niya ako!” sigaw ng lolo. Nang makita ito ng lolo, siya’y galit na galit na sinaksak ang salamin at tuluyang nabasag.
“Ngayon ay hindi ka na makagagambala pa sa kahit sino!” ang sabi ng lolo.


[1]Sa orihinal na teksto, ginamit ang salitang spoon upang magkasintunog sa moon. Sa salin na ito, ginamit ng tagapagsalin ang salitang unan upang maging magkasintunog sa salitang buwan.
[2]Ang mia noi ay mga salitang Lao na katumbas ng pangalawang asawa na
mas bata sa unang asawa. Ito’y bahagi ng lipunang Thai at Lao.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento