Ang naunang marxismo na base sa idea ni Karl
Marx at Friedrich Engels ay isang ideolohiyang may layong ibalik sa
humanisadong kondisyon ang dehumanisadong tao partikular na ang uring
manggagawa na siyang epekto ng direktahang relasyon sa pagitan ng ekonomiko (base) at ideolohiya (superstructure). Ang huling marxismo, na sinimulan ni Louis
Althusser ay naglalantad ng ideolohiya sa pamamagitan ng pagpapalitaw ng mga
aparatus sa lipunan na siyang nagpapanatili at bumubuhay ng hegemonya ng
naghaharing-uri at ekonomikal na sistema---ang kapitalismo.
Ang klasikal na marxismo ay may
fantasyang malikha ang tinatawag na ‘utopia’ o ‘classless society’ kung saan
mayroong komonalidad sa pagmamay-ari sa ilalim ng estado. Deterministiko ang
pilosopiyang marxismo at naglalayong mag-akda ng pagbabago. Kaya nga’t ang palaging hanap sa texto ay
‘social relevance’ at tunggalian ng uri (class conflict).
Sa tunggalian naipapakita ang alyenasyon ng uring manggagawa at kung saan ang
humanidad o katauhan ay naisasawalang-bahala.
Ginagamit sa analisis ang tinatawag na diskurso ng ‘dialectical
materialist’ para malikha ang marxistang idea.
Sa kritisismong marxista ina-assume na
ang pagsusulat ay hindi hiwalay sa subject-position ng awtor. Maaaring ilantad ng kanyang texto ang kanyang
pagsandig sa hegemonik na sistema.
Tinutumba ng marxismo ang pormalismo dahil inilalayo ng mga porma at
pananaw na nabanggit ang kritikal na pagtasa sa realidad. Pinapaboran ang ‘social realism’ na
naglalantad ng kontradiksyon at ilusyon sa lipunan. Sa kabilang banda, may mga pagsusumikap din
sa panig ng mga manunulat na pagsamahin ang pormalismong porma at marxistang
nilalaman.
Mahalaga ang naging kontribusyon ni
Althusser sa paghila sa marxismo sa istrukturalismo. Sa kanyang pananaw hindi na masyadong naging
mahalaga ang indibidwal, tiningnan niya lamang ang pagiging bahagi ng
indibidwal sa kolektibong pananakop at pagpapagalaw ng ideolohiya. Kay Althusser, ang ideolohiya ay isang
‘sistema ng representasyon’ na nagpapanatili ng hegemonik na uri at
kaalaman. Kay Antonio Gramsci, ang
‘hegemony’ ay isang uri ng kontrol na nakapaloob sa lipunan na ipinapalabas na
ang lahat ng kaalaman ay ‘natural’ at palaging ayon sa ‘common sense.’ Ang mga hindi pasok sa kaalamang ito ay
nade-decenter o nama-marginalized. Sa
gawaing ito ng sentro mahalaga ang tinatawag na ‘symptomatic’(paghahanap sa
piniping kaalaman at paglalantad ng ideolohiya) na pagbasa para mailantad ang
proseso ng ‘interpellation’ (pagsakop sa subject na walang pwersahan) sa
subject.
Inimbento ni Althusser ang konsepto ng
Ideological State Apparatuses (ISAs) na nagrerepresenta ng mga institusyong
mapaniil at mapanakop simbahan, eskwelahan, medya, pamilya, sining, panitikan
at iba pa. Gamit ang mga pamamaraang
dekonstraksiyon at postmodernismo naisasadiskurso ng marxistang pagbasa ang ang
lantad at nakatagong texto sa mga akdang pampanitikan at naipapalitaw ang
hegemonik na ideolohiyang kinasasandigan, pinapalaganap at pinapanatili
nito---ang gitnang uri at kapitalistang sistema.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento