Ako’y guro, asawa at ina.
Isang babae--pupol ng pabango,
pulbos at seda,
Kaulayaw ng batya, kaldero at kama.
Napagod yata ako’t nanghinawa,
Nagsikap mangibang-lupa.
Iyo’t iyon din ang lalaking umuupo
sa kabisera,
Nagbabasa ng diyaryo uma-umaga.
Naghihintay siya ng kape
At naninigarilyo,
Habang kagkag ako sa pagitan ng kuna
at libro,
Nagpapahid ng lipstick at
nagpapatulo ng gripo.
Hindi siya nag-aangat ng mukha
Umaaso man ang kawali o umiingit ang
bata.
Hinahatdan ko siya ng brief at
tuwalya sa banyo,
Inaaliw kung mainit ang ulo.
Wala siyang paliwanag
Kung bakit hindi siya umuwi
magdamag,
Ngunit kunot na kunot ang kanyang
noo
Kapag umaalis ako ng Linggo.
Ayaw niya ng galunggong at saluyot
Kahit pipis ang sobreng inabot,
Ibig pa yatang maghimala ako ng ulam
Kahit ang pangrenta’y laging kulang.
Ako’y guro, asawa at ina.
Isang babae-- napapagal sa pagiging
babae.
Itinakda ng kabahaging
Masumpa sa walis, labada’t oyayi
Kahit may propesyo’t kumikita ng
salapi.
Iyo’t iyon din ang ruta ng
araw-araw--
Kabagutang nakalatag sa kahabaan
Ng bahay at paaralan,
Ng kusina’t higaan.
May karapatan ba akong magmukmok?
Saan ako tatakbo kung ako’y
malungkot?
May beerhouse at massage parlor na
tambayan
Ang kabiyak kong nag-aasam,
Nasa bintana ako’t maghihintay.
Nagbabaga ang katawan ko sa
paghahanap,
May krus ang dila ko’t di
makapangusap.
Humihingi ng tinapay ang mga anak
ko,
Itinotodo ko ang bolyum ng radyo.
Napagod yata ako’t nanghinawa,
Nagsikap mangibang-lupa.
Noon ako nanaginip na nakapantalon,
Nagpapadala ng dolyar at pasalubong.
Nakakahinga na ako ngayon nang
maluwag,
Walang susi ang bibig, ang isip ay
bukas.
Aaminin kong ako’y nangungulila
Ngunit sariling kape ko na ang
tinitimpla.
Nag-aabang ako ng sulat sa
tarangkaha’t pinto,
Sa telepono’y nabubusog ang puso.
Umiiyak ako noong una,
Nagagamot pala ang lahat sa
pagbabasa.
Ito lamang ang sagot,
Bayaang lalaki ang maglaba ng kumot.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento