Linggo, Nobyembre 23, 2014

Bagong Historisismo at Materyalismong Kultural

Ang Bagong Historisismo ay isang uri ng pagbasa ng akdang pampanitikan na binibigyang halaga ang paggamit ng mga di-pampanitikang teksto (hal: mga datos pangkasaysayan ).  Balikwas sa dati at nakasanayan nang pagbasa ng kasaysayan sa akda, na ang texto ng akda ay hinahanapan ng katumbas sa kasaysayan. Sa Bagong Historisismo, mismong ang kasaysayan ang nilalagay sa ‘privileged’ na posisyon. Ang kasaysayan ang nagiging tagalikha ng akda. Layunin ng gagawing pagbasa ang magkaroon ng ‘patas’ na pagtrato sa dalawang texto.

Sa gawaing ito nagkakaroon ng patas na paghaharap ang texto at ang kapwa-texto (‘co-text), na hindi lang isinasantabi para tawaging ‘konteksto.’  Sa ganitong basa pinagsabay ang texto at kapwa-teksto para maipakita ang ‘kasaysayan ng sandali’ (hiram kay Foucault) na siyang namamayaning hangarin na nasa akda.  Sa ganitong pamamaraan ang texto ng akda ay hahanapin halimbawa sa mga ordinaryong dokumento tulad ng medical records, police records, at iba pang dokumento.  Kinonsider ng bagong historisismo ang kasaysayan bilang ‘sulat’ (written text) na lamang—hindi kailangang maging representasyon ng realidad ng nakaraan.  Tinitingnan ang texto sa pinagdaanan nito: una bilang ideolohikal na konstruksiyon at diskursibong praktis ng nakaraan, pagkatapos ay ang relasyon nito sa kasalukuyan, at panghuli ay bilang linguistikong konstrak (sa pananaw ng istrukturalismo at post-istrukturalismo).  Ang nakalkal na mga “regime of truths” ay inilalatag sa banig ng kasalukuyan upang makapangaman ngunit hindi kailangang kumontra at tumbahin ang hegemonikong ideolohiya. 

Nasa katangian ng bagong historisismo ang pagiging kontra-estado.  Tulad ng postmodernismo, sineselebra nito ang pagkakaiba at pagiging kakatwa (deviant).  Ito ay sa dahilang ang konstruksiyon ng ‘kakaiba’ ay subersyon  sa ‘panoptical’ na titig at pagmamanman ng estado sa indibidwal.  Ang ‘panopticon’ ang nagtatakda ng ‘discursive practice’ na hindi na kailangan ang pwersa dahil sa kalaunan ay nasasanay at nakokondisyon na ang indibidwal na sumunod sa gusto ng hegemonik na kaalaman/kapangyarihan (power/knowledge).  Medyo pesimistiko ang ganitong pananaw kasi parang kinunan ng lakas ang tao at parang napakaimposible ang maging ‘iba.’

Sa kabuuan, ang bagong historisismo ay masasabing pagtatambaw-tambaw ng literaryo at di-literaryong texto at pagkuha ng prebelihiyo sa akdang pampanitikan.  Nakatuon ang analisis sa ideolohiya ng estado at kung paano ito napapanatili. 

Samantala, ang materyalismong kultural ay mas malapit sa kasaysayan kesa sa panitikan.  Tinawag ito na ‘politicized form of historiography.’  Nakasandal ito sa kasaysayan at pag-analisa ng mga dokumentong pangkasaysayan, tulad ng bagong historisismo, gamit din ang istruktural at post-istruktural na pananaw.  Ang pagkakaiba nga lang nito sa bagong historisismo ay, ito ay hindi nakatali sa maka-indibidwal na layon at isinusulong nito ang marxistang konsepto.  Sa ganitong pagkakaiba ay naipapakita ng materyalismong kultural na hindi malalagpasan ng kultura ang ‘material forces and relations of productions.’

Gamit ang metodo ng dikonstraksyon, sinisipat ng materyalismong kultural, gamit ang ‘textual analysis,’ ang mga kaalamang nasa laylayan (marginalized knowledges o ‘little histories’) at inilalantad ang ‘structures of feeling’ na siyang tutumba sa hegemonik na kaalaman/kapangyarihan.  Gamit ang texto ng nakaraan at kasalukuyan para ‘basahin’ ang kasalukuyan at mailantad ang ang mga nalupig na kaalaman kasama na ang mga makinaryang ginamit.  Halimbawa, sa pagbasa  kay Rizal bilang texto, ginamit ni Clodualdo del Mundo (sumulat ng iskrip) at Jerry de Leon (direktor) sa Bayaning Third world ang mga senyas tulad ng posporo, estatwa, mga popular na sipi, sulat, pangalan ng kalye, gusali at iba pa para muling ilugar si Rizal sa kasalukuyan. ( Karapatang-ari 2014 ni John E. Barrios)





1 komento:

  1. ano po ang akda ang pwedeng lapatan ng bagong historisismo na pag-aaral...yong pinakamagandang halimbawa?

    TumugonBurahin