Lunes, Oktubre 5, 2015

Marxismong Pananaw

Marxismo



 Ang naunang marxismo na base sa idea ni Karl Marx at Friedrich Engels ay isang ideolohiyang may layong ibalik sa humanisadong kondisyon ang dehumanisadong tao partikular na ang uring manggagawa na siyang epekto ng direktahang relasyon sa pagitan ng ekonomiko (base) at ideolohiya (superstructure).  Ang huling marxismo, na sinimulan ni Louis Althusser ay naglalantad ng ideolohiya sa pamamagitan ng pagpapalitaw ng mga aparatus sa lipunan na siyang nagpapanatili at bumubuhay ng hegemonya ng naghaharing-uri at ekonomikal na sistema---ang kapitalismo.
Ang klasikal na marxismo ay may fantasyang malikha ang tinatawag na ‘utopia’ o ‘classless society’ kung saan mayroong komonalidad sa pagmamay-ari sa ilalim ng estado. Deterministiko ang pilosopiyang marxismo at naglalayong mag-akda ng pagbabago.  Kaya nga’t ang palaging hanap sa texto ay ‘social relevance’ at tunggalian ng uri (class conflict). Sa tunggalian naipapakita ang alyenasyon ng uring manggagawa at kung saan ang humanidad o katauhan ay naisasawalang-bahala.  Ginagamit sa analisis ang tinatawag na diskurso ng ‘dialectical materialist’ para malikha ang marxistang idea.
Sa kritisismong marxista ina-assume na ang pagsusulat ay hindi hiwalay sa subject-position ng awtor.  Maaaring ilantad ng kanyang texto ang kanyang pagsandig sa hegemonik na sistema.  Tinutumba ng marxismo ang pormalismo dahil inilalayo ng mga porma at pananaw na nabanggit ang kritikal na pagtasa sa realidad.  Pinapaboran ang ‘social realism’ na naglalantad ng kontradiksyon at ilusyon sa lipunan.  Sa kabilang banda, may mga pagsusumikap din sa panig ng mga manunulat na pagsamahin ang pormalismong porma at marxistang nilalaman. 
Mahalaga ang naging kontribusyon ni Althusser sa paghila sa marxismo sa istrukturalismo.  Sa kanyang pananaw hindi na masyadong naging mahalaga ang indibidwal, tiningnan niya lamang ang pagiging bahagi ng indibidwal sa kolektibong pananakop at pagpapagalaw ng ideolohiya.  Kay Althusser, ang ideolohiya ay isang ‘sistema ng representasyon’ na nagpapanatili ng hegemonik na uri at kaalaman.  Kay Antonio Gramsci, ang ‘hegemony’ ay isang uri ng kontrol na nakapaloob sa lipunan na ipinapalabas na ang lahat ng kaalaman ay ‘natural’ at palaging ayon sa ‘common sense.’  Ang mga hindi pasok sa kaalamang ito ay nade-decenter o nama-marginalized.  Sa gawaing ito ng sentro mahalaga ang tinatawag na ‘symptomatic’(paghahanap sa piniping kaalaman at paglalantad ng ideolohiya) na pagbasa para mailantad ang proseso ng ‘interpellation’ (pagsakop sa subject na walang pwersahan) sa subject.
Inimbento ni Althusser ang konsepto ng Ideological State Apparatuses (ISAs) na nagrerepresenta ng mga institusyong mapaniil at mapanakop simbahan, eskwelahan, medya, pamilya, sining, panitikan at iba pa.  Gamit ang mga pamamaraang dekonstraksiyon at postmodernismo naisasadiskurso ng marxistang pagbasa ang ang lantad at nakatagong texto sa mga akdang pampanitikan at naipapalitaw ang hegemonik na ideolohiyang kinasasandigan, pinapalaganap at pinapanatili nito---ang gitnang uri at kapitalistang sistema.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento