Bagong Historisismo at Materyalismong Kultural
Ang Bagong Historisismo ay isang uri
ng pagbasa ng akdang pampanitikan na binibigyang halaga ang paggamit ng mga
di-pampanitikang teksto (hal: mga datos pangkasaysayan ). Balikwas sa dati at nakasanayan nang pagbasa
ng kasaysayan sa akda, na ang texto ng akda ay hinahanapan ng katumbas sa
kasaysayan. Sa Bagong Historisismo, mismong ang kasaysayan ang nilalagay sa
‘privileged’ na posisyon. Ang kasaysayan ang nagiging tagalikha ng akda. Layunin
ng gagawing pagbasa ang magkaroon ng ‘patas’ na pagtrato sa dalawang texto.
Sa gawaing ito nagkakaroon ng patas na
paghaharap ang texto at ang kapwa-texto (‘co-text), na hindi lang isinasantabi
para tawaging ‘konteksto.’ Sa ganitong
basa pinagsabay ang texto at kapwa-teksto para maipakita ang ‘kasaysayan ng
sandali’ (hiram kay Foucault) na siyang namamayaning hangarin na nasa akda. Sa ganitong pamamaraan ang texto ng akda ay
hahanapin halimbawa sa mga ordinaryong dokumento tulad ng medical records,
police records, at iba pang dokumento. Kinonsider
ng bagong historisismo ang kasaysayan bilang ‘sulat’ (written text) na lamang—hindi
kailangang maging representasyon ng realidad ng nakaraan. Tinitingnan ang texto sa pinagdaanan nito:
una bilang ideolohikal na konstruksiyon at diskursibong praktis ng nakaraan,
pagkatapos ay ang relasyon nito sa kasalukuyan, at panghuli ay bilang linguistikong
konstrak (sa pananaw ng istrukturalismo at post-istrukturalismo). Ang nakalkal na mga “regime of truths” ay
inilalatag sa banig ng kasalukuyan upang makapangaman ngunit hindi kailangang
kumontra at tumbahin ang hegemonikong ideolohiya.
Nasa katangian ng bagong historisismo
ang pagiging kontra-estado. Tulad ng
postmodernismo, sineselebra nito ang pagkakaiba at pagiging kakatwa (deviant). Ito ay sa dahilang ang konstruksiyon ng
‘kakaiba’ ay subersyon sa ‘panoptical’
na titig at pagmamanman ng estado sa indibidwal. Ang ‘panopticon’ ang nagtatakda ng
‘discursive practice’ na hindi na kailangan ang pwersa dahil sa kalaunan ay
nasasanay at nakokondisyon na ang indibidwal na sumunod sa gusto ng hegemonik
na kaalaman/kapangyarihan (power/knowledge).
Medyo pesimistiko ang ganitong pananaw kasi parang kinunan ng lakas ang
tao at parang napakaimposible ang maging ‘iba.’
Sa kabuuan, ang bagong historisismo ay
masasabing pagtatambaw-tambaw ng literaryo at di-literaryong texto at pagkuha
ng prebelihiyo sa akdang pampanitikan.
Nakatuon ang analisis sa ideolohiya ng estado at kung paano ito
napapanatili.
Samantala, ang materyalismong kultural
ay mas malapit sa kasaysayan kesa sa panitikan.
Tinawag ito na ‘politicized form of historiography.’ Nakasandal ito sa kasaysayan at pag-analisa
ng mga dokumentong pangkasaysayan, tulad ng bagong historisismo, gamit din ang
istruktural at post-istruktural na pananaw.
Ang pagkakaiba nga lang nito sa bagong historisismo ay, ito ay hindi
nakatali sa maka-indibidwal na layon at isinusulong nito ang marxistang
konsepto. Sa ganitong pagkakaiba ay
naipapakita ng materyalismong kultural na hindi malalagpasan ng kultura ang
‘material forces and relations of productions.’
Gamit
ang metodo ng dikonstraksyon,
sinisipat ng materyalismong kultural, gamit ang ‘textual analysis,’ ang
mga
kaalamang nasa laylayan (marginalized knowledges o ‘little histories’)
at
inilalantad ang ‘structures of feeling’ na siyang tutumba sa hegemonik
na
kaalaman/kapangyarihan. Gamit ang texto
ng nakaraan at kasalukuyan para ‘basahin’ ang kasalukuyan at mailantad
ang ang
mga nalupig na kaalaman kasama na ang mga makinaryang ginamit.
Halimbawa, sa pagbasa kay Rizal bilang texto, ginamit ni Clodualdo
del Mundo (sumulat ng iskrip) at Jerry de Leon (direktor) sa Bayaning Third world ang mga senyas
tulad ng posporo, estatwa, mga popular na sipi, sulat, pangalan ng kalye,
gusali at iba pa para muling ilugar si Rizal sa kasalukuyan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento