Postkolonyalismo
Masasabing ang postkolonyalismo ay
extensiyon ng kritisismong post-istruktural at materyalismong kultural. Impluwensyado ito ng teorya ni Derrida at
Foucault. Nakatuon ang hangarin ng teoryang
ito sa pagpahina at pagtumba ng unibersalismong pananaw ng liberal na humanismo
sa paniniwalang ginagamit ang humanismo para lupigin ang mga kolonisadong
mamamayan.
Ang humanismong liberal ay
pinaniniwalaang patuloy na nagtatanghal ng hegemonya ng ‘puti’ at kanluraning
pagpapahalaga at gawi. Ito ang
kinakailangang basahin sa parehong akda at di-akdang pampanitikan. Magsisimula ito sa pagkakaroon ng
kamalayan sa isang katutubo na halungkatin ang kanyang nakaraan para maimarka
ang kanyang identidad at mabigyang bokabularyo ang kanyang tinig. Sunod dito ay ang pagpapalitaw ng
ideolohiyang kolonyal na sumakop ng kanyang katawan at isipan. Sa ganitong proseso ay nailalantad ang
pag-iiba (othering) na
gina(ga)wa ng kolonisador---ang manifestasyon ng tinatawag ni Edward Said na
‘orientalismo’ o ang pag-akda sa taga-silangan para sakupin. Hindi
nakapagtataka kung ang mga Pilipino ay nabansagang ‘tamad,’ ‘unggoy,’
‘exotiko,’ ‘savage,’ at kung ano-ano pa na ipinapalagay na hindi katangian ng
taga-kanluran (Kastila at Amerikano sa ating kolonyal na kasaysayan).
Sa kabilang banda, dahil nga sa hindi
na mabuburang karanasang kolonyal hindi na maiiwasan ang paggamit ng ‘hiram’ na
wika ng kolonisasor para isadiskurso ang pakikihamun sa kolonyal na
hegemoniya. Dapat itong ‘hiramin,’ kundi
man ‘akuin’ para mabigyang boses ang subersibong idea. Ginawa ito ni Rizal at iba pa nating propagandista,
kung saan hiniram nila ang wikang Espanyol.
Tulad ng mga postmodernista na
sineselebra ang pagka-pastiche na
katangian, sineselebra ng postkolonyalista ang konsepto ng katauhang ‘hybrid,’
o ang pagkakaroon ng dalawahan o walang fixed na identidad. Ngunit resulta lamang ito ng pagkakakilanlan
ng sarili (ayon sa pagbaliktad ng ginawang pagmarka at pagkilala ng
kolonisador) at ang muling pag-akda ng sariling kasaysayan at hinaharap sa pananaw
na hindi na hiram. Mahalaga dito ang
‘cross-cultural’ na konsepto kung saan maaari pa ring gamitin ang teorya at
pormang natutunan sa kolonisador para pahinain at tumbahin ang patuloy nitong
pananakop.
Sentral sa postkolonyal na pag-aaral
ang mga sinulat ni Homi Bhabha, isang Indian, na ayon sa kanya, bahagi ng
teknolohiya ng kolonisasyon ang paghikayat sa mga katutubo na maging kapareho
ng kanilang mananakop. Tinawag niya
itong mimicry o pag-gaya. Kaya lang, kahit na anumang gawing panggagaya
ng katutubo ay hindi pa rin sila magiging katanggap-tanggap. Ito ay dahil ang proseso mismo ng panggagaya
na ipinatutupad ay ‘lumilihis’ at ‘umaapaw’ kung saan maaaring magresulta sa
higit na pagkilala sa pagiging ‘iba’ (other). “A subject of a difference that
is almost the same, but not quite” o kung sa kulay ng balat naman, “almost the
same but not white.” Ngunit ang
mahalaga, sabi niya, na sa proseso ng panggagaya ay lumilitaw ang isang
‘akda’ (writing), isang paraan ng
representasyon na bumabalikwas sa hegemonya at kapangyarihan ng kolonisasyon. Para itong pagbabalik ng titig ng
‘panopticon’ na ngayo’y nagmumula sa binabantayan. Paradoksikal ang ganitong kondisyon dahil nga
parehong naririyan, at wala rin, ang dapat hulihing mga diskurso. At hindi rin makaalis-alis sa kolonyal na
sistema. Meron lamang sa
postkolonyalismo ay ang pagkilala sa potensyal ng pagbaliktad.
Samantala, sa pag-aaral ni Said,
partikular na sa kanyang “Orientalism,” ay nailantad niya ang kasaysayan at
diskursibong praktis na ginamit ng mga taga-Kanluran para bigyang pangalan,
iposisyon at sakupin ang mga taga-Silangan.
Inilantad ang ‘orientalismo’ bilang isang sistematikong diskurso (sakop
ang politikal, sosyal, militar, siyensya, medisina at imahinasyon) na ginagamit
ng kolonisador para mabihag ang isip at galaw ng katutubo sa isang partikular
na espasyo at kapanahunan. Si Said ay
naglatag ng pananaw na ang panitikan ay maaring gamitin bilang tagatanghal ng
hustisya at karapatan. At ang manunulat
ay ‘buhay’ at nakikialam at nagpapaabot ng kanyang malay na layunin.