Postmodernismo
Sinasabing ang postmodernismo ay
lumitaw dahil sa kailangan nang bigyang pangalan ang iba’t ibang texto
na mahirap nang ikahon ang porma at nilalaman.
Simula nang proyektuhin ng post-istrukturalismo ang pagdikonstrak sa
namamayaning sentro at kaalaman, ang mga naglitawang texto ay humulagpos na sa
mga saklaw ng disiplina ng linguistika, pilosopiya at kahit sa “teorya.” Kahit nga ang diskursibong praktis (discursive
practice) ni Michel Foucault ay hindi na sapat para ipaliwanag ang mga bagong
likhang kaalaman at pormang pampanitikan.
Sinasabi na maiintindihan lamang ang
postmodernismo kung ito ay bigyang-kahulugan in reference sa katambal nitong
modernismo. Ang modernismo, ayon sa mga
praktis ng mga kilalang manunulat at artista ay yaong may pagpapahalaga sa
konsepto ng subhektibo, fragmentasyon, paggiba
ng pagkakaiba ng genres, at tendensiyang ikwestyon ang mismong genre—para
makalikha ng isang inobatibo at eksperimental na texto.
Ganito rin halos ang postmoderno kayat
parang wala ring pagkakaiba. Ang
malaking kaibahan lang ay, habang ang moderno ay nagsusumikap na makabalik
sa sentro para maitanghal ang kaisahan
ng texto, ang postmoderno naman ay sineselebra ang kawalan ng kaisahan ng texto at kawalan
ng sentro. Tinawag na
“nostalgia” ang hangarin ng una at may karakter na pesimista at malungkot. Samantala masaya at makulay ang postmoderno
sa paglalaro at paghahalo-halo nito ng iba’t ibang texto na pinulot sa kung saan-saang
espasyo at panahon. Tinawag na
“pastiche” ang ganitong kapamaraanan na ginagamit ng postmodernismo.
Marahil higit na maiintindihan ang
ganitong pagkakaiba kung ipapakita sa visual arts. Ganito ‘yon: habang dinadakila ng modernismo
ang minimalismo at abstract art, ang postmoderno naman ay nagpapamukha ng
naturalismo (sa literal na pakahulugan at mas kilala sa tawag na “kitsch”) at
pinagsama-samang mga imahen mula sa iba’t ibang porma at genre ng visual arts
(collage o “pastiche”).
Ayon kay Francois Lyotard, ang
postmodernismo ay tumatahak sa direksyon ng paglikha ng ‘mininarratives’ at
hindi ‘metanarrative.’ Ang
‘mininarrative’ ay yaong mga temporaryo, relatibo at makahulugan lamang sa
isang ispesepikong grupo; halimbawa, ang texto ng homosekswal at babae. Ang ‘metanarrative’ naman ay yaong
autoritatibo, mapanakop at mapamuo (totalizing) na texto tulad ng
“nasyunalismo” at “imperyalismo” na texto.
Isa pang katangian ng postmodernismo
ay ang paniniwala nito sa kultura ng “hyperreality” kung saan ang katotohanan
ay puwede nang madanasan sa isang hindi makatotohanang senyas at
signifikasyon. Tinawag itong “simulacra”
ni Jean Baudrillard. Sa ganitong
pananaw, sinabi niya na “hindi nangyari ang Vietnam War” dahil ang nakikita at
nabasa lamang natin tungkol sa Vietnam War ay yaong mga representasyon nito (na
inakala na nating siyang totoo, na ginamit lang pala ng Amerika para tabunan
ang kanilang pagkatalo sa Vietnam).
Ilan sa mga proyekto ng postmodernismo
ay ang (1) paglantad ng postmodernong elemento sa isang texto, (fragmentasyon,
non-linyar na naratibo, walang sentro) (2) Pagpapaharap (foreground) ng mga
akdang may proyektong itago ang “real” lalo na yaong gumagamit ng “pastiche,” (mga
nobela ni Gabriel Garcia Marquez?) (3) pagpapaharap ng mga intertexto, (pagbasa
ng The Matrix at E. T. bilang intertexto ng mga relihiyosong texto) (4) pagpapaharap
ng nakaraan (past) sa isang perspektibong balintuna (ironic), (historiographic
metafiction tulad ng The Great Philippine
Jungle ni Alfred Yuson) (5) kontrahin ang pananaw na may pagkakaiba ang mga
uri ng kultural na texto (hal. Komiks at nobela) at susubukang pagsamahin ang
mga ito para makalikha ng isang “hybrid” (ang pelikula ni Peque Gallaga na Pinoy Blonde na gumamit ng komiks at
animation o ang Kill Bill ni Quintin
Tarantino).