Huwebes, Nobyembre 12, 2015

Naratolohiya ng Epiko



Naratolohiya ng Epiko 

 

Isa si Isagani Cruz sa mga kritikong nagsubok na lapatan ng pagbasa ang mga epiko gamit ang istrukturalistang pananaw.  Tinrato niya ang epiko bilang texto na maaaring hatiin hanggang sa pinkamaliit na bahagi nito, mula morpheme (maliit na elemento ng pangungusap) papuntang narratemes (pinakamaliit na unit ng naratibo) tulad ng ginawa ng mga istrukturalista sa pagtrato sa texto bilang wika.  Ang paghihiwalay ng subject sa predicate kung saan ang subject ay maaaring mag-signify ng aksiyon at ang predicate bilang ang pinagmulan ng aksyon.  Hiniram niya ang idea ni Valdimir Propp para tuklasin ang tinawag niyang andá (function) sa mga epiko ng Pilipinas.  Ipinaliwanag niya ang konsepto ito sa pamamagitan ng pagsipi sa sinabi ni Robert Scholes sa kanyang Structuralism in Literature (1974) na “isang gawa ng tauhan, na binibigyang-katuturan ayon sa pagdaloy ng aksiyon.” (Cruz:____, 291)  Pinunaniya rito bilang isa sa mga andá ang binary opposite na pagkamatay/pagkabuhay at pag-alis/pagbabalik ng mga bida sa epiko.  Gayundin ang matagalang labanan ng mga bida at kalaban ng bida (wala pa ang konsepto ng kontrabida sa epiko) na sa bandang huli ay magkakatuklasan rin lang na may relasyon sa dugo; magkapatid o magkamag-anak.  Sa pangkalahatan ito ang nabuong morpolohiya ni Cruz (Ibid., 292):
·         Una, aalis ang bayani sa kanyang bayan;
·         Ikalawa, makatatanggap ang bayani ng isang mahiwagan bagay;
·         Ikatlo, dadalhin o pupunta ang bayani sa pook kung saan naroroon ang isang hinhanap, na karaniwan ay isang mahal sa buhay;
·         Ikaapat, magsisimula ang bayani ng isang labanan;
·         Ikalima, makikipaglaban ang bayani nang matagalan;
·         Ikaanim, pipigilin ng isang diwata ang labanan;
·         Ikapito, ibubunyag ng diwata na magkamag-anak pala ang bayani at ang kanayang kaaway;
·         Ikawalo, mamamatay ang bayani;
·         Ikasiyam, mabubuhay muli ang bayani;
·         Ikasampu, babalik ang bayani sa kanyang bayan;
·         Ikalabing-isa, magpapakasal ang bayani

Ang kaibhan nito sa orihinal na andá ni Propp ay ang nadagdag na pagkamatay/pagkabuhay na wala sa 31 andá sa morpolohiya ni Propp. (Tignan ang reserts sa “kuwentong bayan,” naroon ang data tungkol kay Propp.)

Sa pag-aaral ni Cruz ay ay nahati niya ang mga pangyayari sa epikong Hinilawod Ikalawa sa mga sumusunod na andá (Ibid., 293)

1.      Aalis si Humadapnonn sa kanang bayan
2.      Ipaghihiganti ang kanyang kapatid na si Labaw Donggon gamit ang mahiwagang kapa
3.       
4.      Maraming kakaharaping labanan
5.      Tatagal ng pitong taon (ang isa sa mga laban)
6.      Pipigilin ni Laun Sina ang laban
7.      Ibubunyag niya na ang kalban ay si Amarotha
8.      Malalaman ni Humadapnon na ang kalaban ay ang kanyang patay na kapatid, pero nakulam na siya at nakatulog
9.      Magigising si Humadapnon dahil sa pagdating ni Nagmalitong Yawa
10.  Babalik sa knyang bayan si Humadapnon
11.  Pakakasalan niya si Nagmalitong Yawa

Hindi lang sinubukang iaplay ni Cruz ang morpolohiya ng naratibo sa mga epiko ngunit pati rin sa ibang texto tulad ng sa akdang Florante at Laura, sa patulang dasal na Pasyon, sa makabagong epikong The Archipelago ni Cirilo F. Bautista, epiko-biografi ni Imelda at Ferdinand Marcos, sa tatlong pelikula ni Fernando Poe Jr. na ang Panday, ang Pagbabalik ng Panday at Ang Panday: Ikatlong Yugto.  Kahit na nga sa naratibo ng buhay ni Benigno “Ninoy” Aquino ay puwedeng ilapat ang pagpapakahulugang gamit ang morpolohiya.

Subalit hindi lang sapat na hihinto ang kritika sa formalismo ni Propp kayat mula sa balarila ng wika ay itinuloy ni Cruz ang kanyang proyekto sa tinatawag na balarila ng lipunang Pilipino---sandig sa istrukturalistang pananaw.  Dito ay hinanguan niya ng kaisipan ang Marxiastang si Lucien Goldman dahil sa sinabi nito na “ang istruktura ng lipunan ay kasakay (homologous) sa istruktura ng panitikan.”  (Ibid., 295)  Ibig sabihin ay ang mga nabanggit na andá  sa itaas ay makikita rin sa ating lipunan.

Ginamit niyang patunay ang pagkakahawig sa unang anda, ang pag-alis sa bayan, ang penomenon ng OFW na bumabalik na makapangyarihan bitbit ang pwersadong katawagang “balikbayan” (tinawag pa nga sila ngayong mga “bagong bayani”).  Sa ikalawang anda naman ang pagtitiwala sa mahihiwagang bagay tulad ng “anting-anting” tulad na lang ng paggamit ng rosaryo at eskapularyo.  Ang ikatlong anda, ang pagkakatagpo ng bayani sa hinahanap dahilan na rin sa optimistikong pananaw.  Magkakaroon din ng labanan na mahaba na kung minsan ay hahantong sa pagkakadiskubre ng kamag-anak dahil ayon nga kay Cruz, pare-parehong lang namang Pilipino tayo.  Ito ang kapatirang iniakda ng nasyon.  Mahihinuha din ang pagkamatay at pagkabuhay ng bayan sa mga historikal na pangyayari mula sa pagkamatay/pagkabuhay ng InangBayan sa kamay ng Kastila, Amerikano, at Marcos.  At sa ikasampung andá ay ang pagbabalik ng bayani kung saan kasabay ng pag-uwi ng balikbayan ay ang pagdiriwang---signifikasyon ng pagtatapos ng naratibo ng ating buhay (Ibid., 296).

Naratolohiya



Naratolohiya


Ang naratolohiya ay pag-aaral ng istruktura ng kuwento o paanong ang istrukturang ito ay nakapagbigay-kahulugan sa texto ng kuwento.  Layon nitong pag-aralan ang kalikasan ng kuwento bilang nakasanayang praktis.  Ito ay bahagi pa rin ng istrukturalistang pananaw subalit sa rasong nakabuo na ito ng sarili nitong bokabularyo ay kinonsidera na bilang hiwalay na teorya. 
            Nagsimula pa kay Aristotle ang naratolohikal na pagbasa.  Sa pagsipat ni Aristotle ng mga dulang itinanghal sa Greece nakilala niya ang dalawang esensyal na elemento ng kuwento, ang ‘karakter’ at ‘aksiyon’ na siyang nagpapagalaw ng tinatawag niyang banghay (plot).  Kinilala niya ang bumubuo ng banghay bilang hamartia (pagkakamali o defekto ng karakter), anagnorisis (pagkapukaw ng karakter mula sa pagkakamali), at peripeteia (pagbaliktad ng pangyayari).  Ang tatlong kategoryang inilatag ni Aristotle ay nakapaloob sa tema at moral na layunin ng kuwento.
Samantala, mula sa pagiging pailalim na pagbasa ng istruktura, inilatag naman ni Vladimir Propp, isang Russian formalist, ang paimbabaw na pagbasa na nakabase sa lantad na aksyon ng karakter.  Sa kanyang pag-aaral ng mahigit sandaang kuwentong bayan, ay nailista ni Propp ang 31 basehang ‘functions’ (‘anda’ sa terminolohiya ni Isagani Cruz).  Sinasabi niya na lahat ng kuwento ay maaaring maipasaloob sa kahit ilan man o alin man sa 31 anda. 
Mula sa 31 anda ay pinagsama-sama ni Propp ang may pagkakahawig ng gawain ayon sa papel (roles) na ginagampanan ng mga karakter at nalikha niya ang pitong (7) ‘spheres of action:’
Linyar at kronolohikal ang kanyang anda at kailangang sumunod sa balangkas.  Sabi nga ni Propp, “events have a due order.”  Hangarin ng proyektong ito ni Propp na mapatunayan na lahat ng naratibo ay halos may pagkakapareho.  Gayunpaman, mapapansin na may ilang mga magkakalapit na kategorya na maaaring pag-isahin sa morpolohiyang ito ni Propp, na sinikap namang ayusin ng mga sumunod sa kanya.  Hindi rin nabigyang pansin ang perspektiba ng mananalaysay sa morpolohiyang ito.
Sinagot ni Gerard Genette ang kakulangan sa ginawa ni Propp.  Itinuon niya ang kanyang pagbasa sa pamamaraan ng pagsasalaysay ng kuwento.  Tiningnan niya ang kaibahan ng salaysay sa pamamagitan ng pagtakda ko ito ay ‘mimesis’ (nagpapakita) o ‘diegesis (nagsasabi); kung ang ‘focalization’ (perspeketiba) ay ‘external’ (sa labas ng karakter) o ‘internal’ (pag-iisip at pagdamdam ng karakter); kung sino ang nagsasalita sa kuwento (di-kilala at kilalang persona, heterodiegetic o tiwalag na narrator at homodiegetic o nakapaloob sa kuwentong narrator);  kung ang panahon sa kuwento ay ‘analeptic’ (mulang nakaraan) o ‘proleptic (pang-hinaharap); kung ang naratibo ba ay ‘frame narratives’ (pangunahing naratibo) o ‘embedded narrative’ (naratibong nakapaloob sa pangunahing naratibo); at ang pagsipat sa distansya ng salita (speech) sa pamamagitan ng pagkilala kung ito ay ‘mimetic,’ ‘transposed’ o ‘narrative’ na speech (ang kahalagahan nito ay paglantad ng distansya sa pagitan ng mambabasa at ng spoken words).
Sa kabilang banda, maaari ring gamitin ang tatlong teorya (Aristotle,Propp at Genette) para sa isang naratolohikal na pagbasa para ang di maiiwasang laktawan sa isang basa ay maaaring punahin ng isa.  Tinawag ito ni Peter Barry na ‘joined up’ narratology.
Ang pinakasimpling porma ng naratibo ay ang inimbento ni Freud na “fort-da” principle; ang ‘fort’ bilang ang pagkawala, at ang ‘da’ bilang pagkakita; hinango sa kanyang karanasan sa pag-oobserba sa kanyang apo na naglalaro sa isang bola?

Lunes, Oktubre 26, 2015

Postkolonyalismo

Postkolonyalismo



Masasabing ang postkolonyalismo ay extensiyon ng kritisismong post-istruktural at materyalismong kultural.  Impluwensyado ito ng teorya ni Derrida at Foucault.  Nakatuon ang hangarin ng teoryang ito sa pagpahina at pagtumba ng unibersalismong pananaw ng liberal na humanismo sa paniniwalang ginagamit ang humanismo para lupigin ang mga kolonisadong mamamayan.
Ang humanismong liberal ay pinaniniwalaang patuloy na nagtatanghal ng hegemonya ng ‘puti’ at kanluraning pagpapahalaga at gawi.  Ito ang kinakailangang basahin sa parehong akda at di-akdang pampanitikan.  Magsisimula ito sa pagkakaroon ng kamalayan sa isang katutubo na halungkatin ang kanyang nakaraan para maimarka ang kanyang identidad at mabigyang bokabularyo ang kanyang tinig.  Sunod dito ay ang pagpapalitaw ng ideolohiyang kolonyal na sumakop ng kanyang katawan at isipan.  Sa ganitong proseso ay nailalantad ang pag-iiba (othering) na gina(ga)wa ng kolonisador---ang manifestasyon ng tinatawag ni Edward Said na ‘orientalismo’ o ang pag-akda sa taga-silangan para sakupin. Hindi nakapagtataka kung ang mga Pilipino ay nabansagang ‘tamad,’ ‘unggoy,’ ‘exotiko,’ ‘savage,’ at kung ano-ano pa na ipinapalagay na hindi katangian ng taga-kanluran (Kastila at Amerikano sa ating kolonyal na kasaysayan).
Sa kabilang banda, dahil nga sa hindi na mabuburang karanasang kolonyal hindi na maiiwasan ang paggamit ng ‘hiram’ na wika ng kolonisasor para isadiskurso ang pakikihamun sa kolonyal na hegemoniya.  Dapat itong ‘hiramin,’ kundi man ‘akuin’ para mabigyang boses ang subersibong idea.  Ginawa ito ni Rizal at iba pa nating propagandista, kung saan hiniram nila ang wikang Espanyol.
Tulad ng mga postmodernista na sineselebra ang pagka-pastiche na katangian, sineselebra ng postkolonyalista ang konsepto ng katauhang ‘hybrid,’ o ang pagkakaroon ng dalawahan o walang fixed na identidad.  Ngunit resulta lamang ito ng pagkakakilanlan ng sarili (ayon sa pagbaliktad ng ginawang pagmarka at pagkilala ng kolonisador) at ang muling pag-akda ng sariling kasaysayan at hinaharap sa pananaw na hindi na hiram.  Mahalaga dito ang ‘cross-cultural’ na konsepto kung saan maaari pa ring gamitin ang teorya at pormang natutunan sa kolonisador para pahinain at tumbahin ang patuloy nitong pananakop. 
Sentral sa postkolonyal na pag-aaral ang mga sinulat ni Homi Bhabha, isang Indian, na ayon sa kanya, bahagi ng teknolohiya ng kolonisasyon ang paghikayat sa mga katutubo na maging kapareho ng kanilang mananakop.  Tinawag niya itong mimicry o pag-gaya.  Kaya lang, kahit na anumang gawing panggagaya ng katutubo ay hindi pa rin sila magiging katanggap-tanggap.  Ito ay dahil ang proseso mismo ng panggagaya na ipinatutupad ay ‘lumilihis’ at ‘umaapaw’ kung saan maaaring magresulta sa higit na pagkilala sa pagiging ‘iba’ (other). “A subject of a difference that is almost the same, but not quite” o kung sa kulay ng balat naman, “almost the same but not white.”  Ngunit ang mahalaga, sabi niya, na sa proseso ng panggagaya ay lumilitaw ang isang ‘akda’ (writing), isang paraan ng representasyon na bumabalikwas sa hegemonya at kapangyarihan ng kolonisasyon.  Para itong pagbabalik ng titig ng ‘panopticon’ na ngayo’y nagmumula sa binabantayan.  Paradoksikal ang ganitong kondisyon dahil nga parehong naririyan, at wala rin, ang dapat hulihing mga diskurso.  At hindi rin makaalis-alis sa kolonyal na sistema.  Meron lamang sa postkolonyalismo ay ang pagkilala sa potensyal ng pagbaliktad.
Samantala, sa pag-aaral ni Said, partikular na sa kanyang “Orientalism,” ay nailantad niya ang kasaysayan at diskursibong praktis na ginamit ng mga taga-Kanluran para bigyang pangalan, iposisyon at sakupin ang mga taga-Silangan.  Inilantad ang ‘orientalismo’ bilang isang sistematikong diskurso (sakop ang politikal, sosyal, militar, siyensya, medisina at imahinasyon) na ginagamit ng kolonisador para mabihag ang isip at galaw ng katutubo sa isang partikular na espasyo at kapanahunan.  Si Said ay naglatag ng pananaw na ang panitikan ay maaring gamitin bilang tagatanghal ng hustisya at karapatan.  At ang manunulat ay ‘buhay’ at nakikialam at nagpapaabot ng kanyang malay na layunin.

Lunes, Oktubre 19, 2015

Bagong Historisismo

Bagong Historisismo at Materyalismong Kultural

Ang Bagong Historisismo ay isang uri ng pagbasa ng akdang pampanitikan na binibigyang halaga ang paggamit ng mga di-pampanitikang teksto (hal: mga datos pangkasaysayan ).  Balikwas sa dati at nakasanayan nang pagbasa ng kasaysayan sa akda, na ang texto ng akda ay hinahanapan ng katumbas sa kasaysayan. Sa Bagong Historisismo, mismong ang kasaysayan ang nilalagay sa ‘privileged’ na posisyon. Ang kasaysayan ang nagiging tagalikha ng akda. Layunin ng gagawing pagbasa ang magkaroon ng ‘patas’ na pagtrato sa dalawang texto.
Sa gawaing ito nagkakaroon ng patas na paghaharap ang texto at ang kapwa-texto (‘co-text), na hindi lang isinasantabi para tawaging ‘konteksto.’  Sa ganitong basa pinagsabay ang texto at kapwa-teksto para maipakita ang ‘kasaysayan ng sandali’ (hiram kay Foucault) na siyang namamayaning hangarin na nasa akda.  Sa ganitong pamamaraan ang texto ng akda ay hahanapin halimbawa sa mga ordinaryong dokumento tulad ng medical records, police records, at iba pang dokumento.  Kinonsider ng bagong historisismo ang kasaysayan bilang ‘sulat’ (written text) na lamang—hindi kailangang maging representasyon ng realidad ng nakaraan.  Tinitingnan ang texto sa pinagdaanan nito: una bilang ideolohikal na konstruksiyon at diskursibong praktis ng nakaraan, pagkatapos ay ang relasyon nito sa kasalukuyan, at panghuli ay bilang linguistikong konstrak (sa pananaw ng istrukturalismo at post-istrukturalismo).  Ang nakalkal na mga “regime of truths” ay inilalatag sa banig ng kasalukuyan upang makapangaman ngunit hindi kailangang kumontra at tumbahin ang hegemonikong ideolohiya. 
Nasa katangian ng bagong historisismo ang pagiging kontra-estado.  Tulad ng postmodernismo, sineselebra nito ang pagkakaiba at pagiging kakatwa (deviant).  Ito ay sa dahilang ang konstruksiyon ng ‘kakaiba’ ay subersyon  sa ‘panoptical’ na titig at pagmamanman ng estado sa indibidwal.  Ang ‘panopticon’ ang nagtatakda ng ‘discursive practice’ na hindi na kailangan ang pwersa dahil sa kalaunan ay nasasanay at nakokondisyon na ang indibidwal na sumunod sa gusto ng hegemonik na kaalaman/kapangyarihan (power/knowledge).  Medyo pesimistiko ang ganitong pananaw kasi parang kinunan ng lakas ang tao at parang napakaimposible ang maging ‘iba.’
Sa kabuuan, ang bagong historisismo ay masasabing pagtatambaw-tambaw ng literaryo at di-literaryong texto at pagkuha ng prebelihiyo sa akdang pampanitikan.  Nakatuon ang analisis sa ideolohiya ng estado at kung paano ito napapanatili. 
Samantala, ang materyalismong kultural ay mas malapit sa kasaysayan kesa sa panitikan.  Tinawag ito na ‘politicized form of historiography.’  Nakasandal ito sa kasaysayan at pag-analisa ng mga dokumentong pangkasaysayan, tulad ng bagong historisismo, gamit din ang istruktural at post-istruktural na pananaw.  Ang pagkakaiba nga lang nito sa bagong historisismo ay, ito ay hindi nakatali sa maka-indibidwal na layon at isinusulong nito ang marxistang konsepto.  Sa ganitong pagkakaiba ay naipapakita ng materyalismong kultural na hindi malalagpasan ng kultura ang ‘material forces and relations of productions.’
Gamit ang metodo ng dikonstraksyon, sinisipat ng materyalismong kultural, gamit ang ‘textual analysis,’ ang mga kaalamang nasa laylayan (marginalized knowledges o ‘little histories’) at inilalantad ang ‘structures of feeling’ na siyang tutumba sa hegemonik na kaalaman/kapangyarihan.  Gamit ang texto ng nakaraan at kasalukuyan para ‘basahin’ ang kasalukuyan at mailantad ang ang mga nalupig na kaalaman kasama na ang mga makinaryang ginamit.  Halimbawa, sa pagbasa  kay Rizal bilang texto, ginamit ni Clodualdo del Mundo (sumulat ng iskrip) at Jerry de Leon (direktor) sa Bayaning Third world ang mga senyas tulad ng posporo, estatwa, mga popular na sipi, sulat, pangalan ng kalye, gusali at iba pa para muling ilugar si Rizal sa kasalukuyan.

Miyerkules, Oktubre 14, 2015

Isang Sigarilyong Hindi ko Masindihan



Isang Sigarilyong Hindi ko Masindihan
Nazim Hikmet
(tula mulang Turkey; salin ni Rogelio Mangahas)


Maaaring mamatay siya anumang oras ngayong gabi,
isang sunog na tagpi sa kanyang kaliwang sulapa.
Siya’y patungong kamatayan, ngayong gabi,
            sa kanyang sariling kagustuhan, di-pinilit.
Mayro’n ka bang sigarilyo? Sabi niya.
Sabi ko’y
            Oo.
Posporo?
Wala, sabi ko.
            isang punglo ang magsisindi niyan para sa iyo.
Kinuha niya ang sigarilyo
            at lumayo
Marahil, siya ngayo’y nakadipa sa lupa,
            isang sigarilyong walang sindi sa pagitan
                        ng kanyang mga labi,
                                    isang sugat na umuusok sa kanyang dibdib.