Huwebes, Nobyembre 12, 2015

Naratolohiya



Naratolohiya


Ang naratolohiya ay pag-aaral ng istruktura ng kuwento o paanong ang istrukturang ito ay nakapagbigay-kahulugan sa texto ng kuwento.  Layon nitong pag-aralan ang kalikasan ng kuwento bilang nakasanayang praktis.  Ito ay bahagi pa rin ng istrukturalistang pananaw subalit sa rasong nakabuo na ito ng sarili nitong bokabularyo ay kinonsidera na bilang hiwalay na teorya. 
            Nagsimula pa kay Aristotle ang naratolohikal na pagbasa.  Sa pagsipat ni Aristotle ng mga dulang itinanghal sa Greece nakilala niya ang dalawang esensyal na elemento ng kuwento, ang ‘karakter’ at ‘aksiyon’ na siyang nagpapagalaw ng tinatawag niyang banghay (plot).  Kinilala niya ang bumubuo ng banghay bilang hamartia (pagkakamali o defekto ng karakter), anagnorisis (pagkapukaw ng karakter mula sa pagkakamali), at peripeteia (pagbaliktad ng pangyayari).  Ang tatlong kategoryang inilatag ni Aristotle ay nakapaloob sa tema at moral na layunin ng kuwento.
Samantala, mula sa pagiging pailalim na pagbasa ng istruktura, inilatag naman ni Vladimir Propp, isang Russian formalist, ang paimbabaw na pagbasa na nakabase sa lantad na aksyon ng karakter.  Sa kanyang pag-aaral ng mahigit sandaang kuwentong bayan, ay nailista ni Propp ang 31 basehang ‘functions’ (‘anda’ sa terminolohiya ni Isagani Cruz).  Sinasabi niya na lahat ng kuwento ay maaaring maipasaloob sa kahit ilan man o alin man sa 31 anda. 
Mula sa 31 anda ay pinagsama-sama ni Propp ang may pagkakahawig ng gawain ayon sa papel (roles) na ginagampanan ng mga karakter at nalikha niya ang pitong (7) ‘spheres of action:’
Linyar at kronolohikal ang kanyang anda at kailangang sumunod sa balangkas.  Sabi nga ni Propp, “events have a due order.”  Hangarin ng proyektong ito ni Propp na mapatunayan na lahat ng naratibo ay halos may pagkakapareho.  Gayunpaman, mapapansin na may ilang mga magkakalapit na kategorya na maaaring pag-isahin sa morpolohiyang ito ni Propp, na sinikap namang ayusin ng mga sumunod sa kanya.  Hindi rin nabigyang pansin ang perspektiba ng mananalaysay sa morpolohiyang ito.
Sinagot ni Gerard Genette ang kakulangan sa ginawa ni Propp.  Itinuon niya ang kanyang pagbasa sa pamamaraan ng pagsasalaysay ng kuwento.  Tiningnan niya ang kaibahan ng salaysay sa pamamagitan ng pagtakda ko ito ay ‘mimesis’ (nagpapakita) o ‘diegesis (nagsasabi); kung ang ‘focalization’ (perspeketiba) ay ‘external’ (sa labas ng karakter) o ‘internal’ (pag-iisip at pagdamdam ng karakter); kung sino ang nagsasalita sa kuwento (di-kilala at kilalang persona, heterodiegetic o tiwalag na narrator at homodiegetic o nakapaloob sa kuwentong narrator);  kung ang panahon sa kuwento ay ‘analeptic’ (mulang nakaraan) o ‘proleptic (pang-hinaharap); kung ang naratibo ba ay ‘frame narratives’ (pangunahing naratibo) o ‘embedded narrative’ (naratibong nakapaloob sa pangunahing naratibo); at ang pagsipat sa distansya ng salita (speech) sa pamamagitan ng pagkilala kung ito ay ‘mimetic,’ ‘transposed’ o ‘narrative’ na speech (ang kahalagahan nito ay paglantad ng distansya sa pagitan ng mambabasa at ng spoken words).
Sa kabilang banda, maaari ring gamitin ang tatlong teorya (Aristotle,Propp at Genette) para sa isang naratolohikal na pagbasa para ang di maiiwasang laktawan sa isang basa ay maaaring punahin ng isa.  Tinawag ito ni Peter Barry na ‘joined up’ narratology.
Ang pinakasimpling porma ng naratibo ay ang inimbento ni Freud na “fort-da” principle; ang ‘fort’ bilang ang pagkawala, at ang ‘da’ bilang pagkakita; hinango sa kanyang karanasan sa pag-oobserba sa kanyang apo na naglalaro sa isang bola?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento