Linggo, Nobyembre 23, 2014

Bagong Historisismo at Materyalismong Kultural

Ang Bagong Historisismo ay isang uri ng pagbasa ng akdang pampanitikan na binibigyang halaga ang paggamit ng mga di-pampanitikang teksto (hal: mga datos pangkasaysayan ).  Balikwas sa dati at nakasanayan nang pagbasa ng kasaysayan sa akda, na ang texto ng akda ay hinahanapan ng katumbas sa kasaysayan. Sa Bagong Historisismo, mismong ang kasaysayan ang nilalagay sa ‘privileged’ na posisyon. Ang kasaysayan ang nagiging tagalikha ng akda. Layunin ng gagawing pagbasa ang magkaroon ng ‘patas’ na pagtrato sa dalawang texto.

Sa gawaing ito nagkakaroon ng patas na paghaharap ang texto at ang kapwa-texto (‘co-text), na hindi lang isinasantabi para tawaging ‘konteksto.’  Sa ganitong basa pinagsabay ang texto at kapwa-teksto para maipakita ang ‘kasaysayan ng sandali’ (hiram kay Foucault) na siyang namamayaning hangarin na nasa akda.  Sa ganitong pamamaraan ang texto ng akda ay hahanapin halimbawa sa mga ordinaryong dokumento tulad ng medical records, police records, at iba pang dokumento.  Kinonsider ng bagong historisismo ang kasaysayan bilang ‘sulat’ (written text) na lamang—hindi kailangang maging representasyon ng realidad ng nakaraan.  Tinitingnan ang texto sa pinagdaanan nito: una bilang ideolohikal na konstruksiyon at diskursibong praktis ng nakaraan, pagkatapos ay ang relasyon nito sa kasalukuyan, at panghuli ay bilang linguistikong konstrak (sa pananaw ng istrukturalismo at post-istrukturalismo).  Ang nakalkal na mga “regime of truths” ay inilalatag sa banig ng kasalukuyan upang makapangaman ngunit hindi kailangang kumontra at tumbahin ang hegemonikong ideolohiya. 

Nasa katangian ng bagong historisismo ang pagiging kontra-estado.  Tulad ng postmodernismo, sineselebra nito ang pagkakaiba at pagiging kakatwa (deviant).  Ito ay sa dahilang ang konstruksiyon ng ‘kakaiba’ ay subersyon  sa ‘panoptical’ na titig at pagmamanman ng estado sa indibidwal.  Ang ‘panopticon’ ang nagtatakda ng ‘discursive practice’ na hindi na kailangan ang pwersa dahil sa kalaunan ay nasasanay at nakokondisyon na ang indibidwal na sumunod sa gusto ng hegemonik na kaalaman/kapangyarihan (power/knowledge).  Medyo pesimistiko ang ganitong pananaw kasi parang kinunan ng lakas ang tao at parang napakaimposible ang maging ‘iba.’

Sa kabuuan, ang bagong historisismo ay masasabing pagtatambaw-tambaw ng literaryo at di-literaryong texto at pagkuha ng prebelihiyo sa akdang pampanitikan.  Nakatuon ang analisis sa ideolohiya ng estado at kung paano ito napapanatili. 

Samantala, ang materyalismong kultural ay mas malapit sa kasaysayan kesa sa panitikan.  Tinawag ito na ‘politicized form of historiography.’  Nakasandal ito sa kasaysayan at pag-analisa ng mga dokumentong pangkasaysayan, tulad ng bagong historisismo, gamit din ang istruktural at post-istruktural na pananaw.  Ang pagkakaiba nga lang nito sa bagong historisismo ay, ito ay hindi nakatali sa maka-indibidwal na layon at isinusulong nito ang marxistang konsepto.  Sa ganitong pagkakaiba ay naipapakita ng materyalismong kultural na hindi malalagpasan ng kultura ang ‘material forces and relations of productions.’

Gamit ang metodo ng dikonstraksyon, sinisipat ng materyalismong kultural, gamit ang ‘textual analysis,’ ang mga kaalamang nasa laylayan (marginalized knowledges o ‘little histories’) at inilalantad ang ‘structures of feeling’ na siyang tutumba sa hegemonik na kaalaman/kapangyarihan.  Gamit ang texto ng nakaraan at kasalukuyan para ‘basahin’ ang kasalukuyan at mailantad ang ang mga nalupig na kaalaman kasama na ang mga makinaryang ginamit.  Halimbawa, sa pagbasa  kay Rizal bilang texto, ginamit ni Clodualdo del Mundo (sumulat ng iskrip) at Jerry de Leon (direktor) sa Bayaning Third world ang mga senyas tulad ng posporo, estatwa, mga popular na sipi, sulat, pangalan ng kalye, gusali at iba pa para muling ilugar si Rizal sa kasalukuyan. ( Karapatang-ari 2014 ni John E. Barrios)





Linggo, Nobyembre 9, 2014

Ang Alamat ni Prinsesa Manorah



Ang Alamat ni Prinsesa Manorah
(alamat mulang Thailand, salin ni Dr. Romulo N. Peralta)


Isang alamat na pasalin-salin sa iba’t ibang panahon at henerasyon mula noong panahon ng Ayutthaya at nagbigay-inspirasyon kay Haring Rama V ng Thailand.
Si Kinnaree Manorah ay isang prinsesa ng alamat ng Thai at ang pinakabata sa pitong anak na kinnaree ng Haring Prathum at Reynang Jantakinnaree. Siya ay nakatira sa maalamat na kaharian ng Bundok Grairat. Ang pitong kinnaree ay kalahating babae at kalahating sisne. Sila’y nakalilipad at nagagawang itago ang kanikanilang pakpak kung kanilang nanaisin.

Sa loob ng kahariang Krairat (Grairat), nakatago ang kagubatan ng Himmapan kung saan din namamahay ang mga nakatatakot na nilalang na hindi kilala sa daigdig ng mga tao. Sa loob ng kagubatan, nakakubli ang maganda at kaaya-ayang lawa kung saan ang pitong kinnaree ay masayang dumadalaw lalo na sa araw ng Panarasi (kalakihan ng buwan). Sa di-kalayuan ng lawa, nakatira ang isang ermitanyo na nagsasagawa ng kaniyang meditasyon.

Isang araw, napadako ang isang binata habang naglalakbay sa kagubatan ng
Himmapan. Siya ay si Prahnbun. Nakita niya ang pitong kinnaree na masayang
nagtatampisaw sa ilog. Namangha siya sa nakabibighaning kagandahan ni Prinsesa
Manorah. Naisip niya na kung mahuhuli niya ang prinsesa, dadalhin niya ito kay
Prinsipe Suton, ang anak ng Haring Artityawong at Reyna Jantaivee ng Udon
Panjah. Tiyak na matutuwa ang prinsipe at tuluyang mapapaibig ito sa prinsesa.
Ngunit naitanong niya sa sarili kung paano niya ito mahuhuli.

Alam ni Prahnbun na may ermitanyong nakatira sa malapit ng kagubatan.
Pinuntahan niya ito upang magpatulong sa kaniyang balak. Sinabi sa kaniya ng
ermitanyo na napakahirap ang manghuli ng kinnaree dahil agad-agad itong lumilipad
kapag tinatakot. Ngunit naisip ng ermitanyo na may isang dragon na nakatira sa
pinakasulok-sulukan ng kagubatan na maaaring makatulong sa kanila. Nagpasalamat ang binata sa ermitanyo at nagmamadaling lumisan upang hanapin
ang dragon.

Hindi natuwa ang dragon nang marinig ang balak ni Prahnbun, ngunit napapayag din itong bigyan niya si Prahnbun ng makapangyarihang lubid na siyang panghuhuli niya sa Prinsesa Manorah. Nagpasalamat ang binata at patakbong umalis na dala-dala ang makapangyarihang lubid at patagong tinungo ang ilog kung saan naglalaro ang mga kinnaree. Habang abala sa paglalaro ang mga kinnaree, inihagis ni Prahnbun ang lubid
at matagumpay na nahuli si Prinsesa Manorah. Ganun na lamang ang pagkaawa ng
ibang mga kapatid ng prinsesa. Ngunit sila’y walang nagawa kundi agad-agad na
lumipad dahil sa takot na sila rin ay paghuhulihin.

Itinali nang mahigpit ni Prahnbun ang pakpak ni Prinsesa Manorah upang hindi makawala at tuluyang madala pabalik sa Udon Panjah at maibigay kay Prinsipe
Suton na noo’y naglalakbay rin sakay sa kabayo papunta sa kagubatan.
Nakasalubong niya si Prahnbun dala-dala si Prinsesa Manorah. Agad-agad na
naakit sa kagandahan ni Prinsesa Manorah ang prinsipe.
Nang isalaysay ni Prahnbun kay Prinsipe Suton ang dahilan kung bakit niya
hinuli at dinala ang prinsesa sa harap niya, nagpasalamat ang prinsipe at binayaran
siya nito ng napakalaking halaga.

Nagbalik ang prinsipe sa kaniyang palasyo dala-dala si Prinsesa Manorah kung saan umusbong ang isang tunay na pag-ibig sa isa’t isa. Nang sabihin ng prinsipe sa kaniyang inang prinsesa at amang hari ang buong pangyayari, masayang-masaya sila at agad-agad nagbalak na magsagawa ng kasal para kina Prinsipe Suton at Prisesa Manorah.

Bumalik sila sa palasyo ng Udon Panjah kung saan isinagawa ang kasal at
tuluyang namuhay nang masaya’t matiwasay habambuhay.

Marxismo




 Ang naunang marxismo na base sa idea ni Karl Marx at Friedrich Engels ay isang ideolohiyang may layong ibalik sa humanisadong kondisyon ang dehumanisadong tao partikular na ang uring manggagawa na siyang epekto ng direktahang relasyon sa pagitan ng ekonomiko (base) at ideolohiya (superstructure).  Ang huling marxismo, na sinimulan ni Louis Althusser ay naglalantad ng ideolohiya sa pamamagitan ng pagpapalitaw ng mga aparatus sa lipunan na siyang nagpapanatili at bumubuhay ng hegemonya ng naghaharing-uri at ekonomikal na sistema---ang kapitalismo.
Ang klasikal na marxismo ay may fantasyang malikha ang tinatawag na ‘utopia’ o ‘classless society’ kung saan mayroong komonalidad sa pagmamay-ari sa ilalim ng estado. Deterministiko ang pilosopiyang marxismo at naglalayong mag-akda ng pagbabago.  Kaya nga’t ang palaging hanap sa texto ay ‘social relevance’ at tunggalian ng uri (class conflict). Sa tunggalian naipapakita ang alyenasyon ng uring manggagawa at kung saan ang humanidad o katauhan ay naisasawalang-bahala.  Ginagamit sa analisis ang tinatawag na diskurso ng ‘dialectical materialist’ para malikha ang marxistang idea.
Sa kritisismong marxista ina-assume na ang pagsusulat ay hindi hiwalay sa subject-position ng awtor.  Maaaring ilantad ng kanyang texto ang kanyang pagsandig sa hegemonik na sistema.  Tinutumba ng marxismo ang pormalismo dahil inilalayo ng mga porma at pananaw na nabanggit ang kritikal na pagtasa sa realidad.  Pinapaboran ang ‘social realism’ na naglalantad ng kontradiksyon at ilusyon sa lipunan.  Sa kabilang banda, may mga pagsusumikap din sa panig ng mga manunulat na pagsamahin ang pormalismong porma at marxistang nilalaman. 
Mahalaga ang naging kontribusyon ni Althusser sa paghila sa marxismo sa istrukturalismo.  Sa kanyang pananaw hindi na masyadong naging mahalaga ang indibidwal, tiningnan niya lamang ang pagiging bahagi ng indibidwal sa kolektibong pananakop at pagpapagalaw ng ideolohiya.  Kay Althusser, ang ideolohiya ay isang ‘sistema ng representasyon’ na nagpapanatili ng hegemonik na uri at kaalaman.  Kay Antonio Gramsci, ang ‘hegemony’ ay isang uri ng kontrol na nakapaloob sa lipunan na ipinapalabas na ang lahat ng kaalaman ay ‘natural’ at palaging ayon sa ‘common sense.’  Ang mga hindi pasok sa kaalamang ito ay nade-decenter o nama-marginalized.  Sa gawaing ito ng sentro mahalaga ang tinatawag na ‘symptomatic’(paghahanap sa piniping kaalaman at paglalantad ng ideolohiya) na pagbasa para mailantad ang proseso ng ‘interpellation’ (pagsakop sa subject na walang pwersahan) sa subject.
Inimbento ni Althusser ang konsepto ng Ideological State Apparatuses (ISAs) na nagrerepresenta ng mga institusyong mapaniil at mapanakop simbahan, eskwelahan, medya, pamilya, sining, panitikan at iba pa.  Gamit ang mga pamamaraang dekonstraksiyon at postmodernismo naisasadiskurso ng marxistang pagbasa ang ang lantad at nakatagong texto sa mga akdang pampanitikan at naipapalitaw ang hegemonik na ideolohiyang kinasasandigan, pinapalaganap at pinapanatili nito---ang gitnang uri at kapitalistang sistema.