Lunes, Oktubre 26, 2015

Postkolonyalismo

Postkolonyalismo



Masasabing ang postkolonyalismo ay extensiyon ng kritisismong post-istruktural at materyalismong kultural.  Impluwensyado ito ng teorya ni Derrida at Foucault.  Nakatuon ang hangarin ng teoryang ito sa pagpahina at pagtumba ng unibersalismong pananaw ng liberal na humanismo sa paniniwalang ginagamit ang humanismo para lupigin ang mga kolonisadong mamamayan.
Ang humanismong liberal ay pinaniniwalaang patuloy na nagtatanghal ng hegemonya ng ‘puti’ at kanluraning pagpapahalaga at gawi.  Ito ang kinakailangang basahin sa parehong akda at di-akdang pampanitikan.  Magsisimula ito sa pagkakaroon ng kamalayan sa isang katutubo na halungkatin ang kanyang nakaraan para maimarka ang kanyang identidad at mabigyang bokabularyo ang kanyang tinig.  Sunod dito ay ang pagpapalitaw ng ideolohiyang kolonyal na sumakop ng kanyang katawan at isipan.  Sa ganitong proseso ay nailalantad ang pag-iiba (othering) na gina(ga)wa ng kolonisador---ang manifestasyon ng tinatawag ni Edward Said na ‘orientalismo’ o ang pag-akda sa taga-silangan para sakupin. Hindi nakapagtataka kung ang mga Pilipino ay nabansagang ‘tamad,’ ‘unggoy,’ ‘exotiko,’ ‘savage,’ at kung ano-ano pa na ipinapalagay na hindi katangian ng taga-kanluran (Kastila at Amerikano sa ating kolonyal na kasaysayan).
Sa kabilang banda, dahil nga sa hindi na mabuburang karanasang kolonyal hindi na maiiwasan ang paggamit ng ‘hiram’ na wika ng kolonisasor para isadiskurso ang pakikihamun sa kolonyal na hegemoniya.  Dapat itong ‘hiramin,’ kundi man ‘akuin’ para mabigyang boses ang subersibong idea.  Ginawa ito ni Rizal at iba pa nating propagandista, kung saan hiniram nila ang wikang Espanyol.
Tulad ng mga postmodernista na sineselebra ang pagka-pastiche na katangian, sineselebra ng postkolonyalista ang konsepto ng katauhang ‘hybrid,’ o ang pagkakaroon ng dalawahan o walang fixed na identidad.  Ngunit resulta lamang ito ng pagkakakilanlan ng sarili (ayon sa pagbaliktad ng ginawang pagmarka at pagkilala ng kolonisador) at ang muling pag-akda ng sariling kasaysayan at hinaharap sa pananaw na hindi na hiram.  Mahalaga dito ang ‘cross-cultural’ na konsepto kung saan maaari pa ring gamitin ang teorya at pormang natutunan sa kolonisador para pahinain at tumbahin ang patuloy nitong pananakop. 
Sentral sa postkolonyal na pag-aaral ang mga sinulat ni Homi Bhabha, isang Indian, na ayon sa kanya, bahagi ng teknolohiya ng kolonisasyon ang paghikayat sa mga katutubo na maging kapareho ng kanilang mananakop.  Tinawag niya itong mimicry o pag-gaya.  Kaya lang, kahit na anumang gawing panggagaya ng katutubo ay hindi pa rin sila magiging katanggap-tanggap.  Ito ay dahil ang proseso mismo ng panggagaya na ipinatutupad ay ‘lumilihis’ at ‘umaapaw’ kung saan maaaring magresulta sa higit na pagkilala sa pagiging ‘iba’ (other). “A subject of a difference that is almost the same, but not quite” o kung sa kulay ng balat naman, “almost the same but not white.”  Ngunit ang mahalaga, sabi niya, na sa proseso ng panggagaya ay lumilitaw ang isang ‘akda’ (writing), isang paraan ng representasyon na bumabalikwas sa hegemonya at kapangyarihan ng kolonisasyon.  Para itong pagbabalik ng titig ng ‘panopticon’ na ngayo’y nagmumula sa binabantayan.  Paradoksikal ang ganitong kondisyon dahil nga parehong naririyan, at wala rin, ang dapat hulihing mga diskurso.  At hindi rin makaalis-alis sa kolonyal na sistema.  Meron lamang sa postkolonyalismo ay ang pagkilala sa potensyal ng pagbaliktad.
Samantala, sa pag-aaral ni Said, partikular na sa kanyang “Orientalism,” ay nailantad niya ang kasaysayan at diskursibong praktis na ginamit ng mga taga-Kanluran para bigyang pangalan, iposisyon at sakupin ang mga taga-Silangan.  Inilantad ang ‘orientalismo’ bilang isang sistematikong diskurso (sakop ang politikal, sosyal, militar, siyensya, medisina at imahinasyon) na ginagamit ng kolonisador para mabihag ang isip at galaw ng katutubo sa isang partikular na espasyo at kapanahunan.  Si Said ay naglatag ng pananaw na ang panitikan ay maaring gamitin bilang tagatanghal ng hustisya at karapatan.  At ang manunulat ay ‘buhay’ at nakikialam at nagpapaabot ng kanyang malay na layunin.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento