Huwebes, Nobyembre 12, 2015

Naratolohiya ng Epiko



Naratolohiya ng Epiko 

 

Isa si Isagani Cruz sa mga kritikong nagsubok na lapatan ng pagbasa ang mga epiko gamit ang istrukturalistang pananaw.  Tinrato niya ang epiko bilang texto na maaaring hatiin hanggang sa pinkamaliit na bahagi nito, mula morpheme (maliit na elemento ng pangungusap) papuntang narratemes (pinakamaliit na unit ng naratibo) tulad ng ginawa ng mga istrukturalista sa pagtrato sa texto bilang wika.  Ang paghihiwalay ng subject sa predicate kung saan ang subject ay maaaring mag-signify ng aksiyon at ang predicate bilang ang pinagmulan ng aksyon.  Hiniram niya ang idea ni Valdimir Propp para tuklasin ang tinawag niyang andá (function) sa mga epiko ng Pilipinas.  Ipinaliwanag niya ang konsepto ito sa pamamagitan ng pagsipi sa sinabi ni Robert Scholes sa kanyang Structuralism in Literature (1974) na “isang gawa ng tauhan, na binibigyang-katuturan ayon sa pagdaloy ng aksiyon.” (Cruz:____, 291)  Pinunaniya rito bilang isa sa mga andá ang binary opposite na pagkamatay/pagkabuhay at pag-alis/pagbabalik ng mga bida sa epiko.  Gayundin ang matagalang labanan ng mga bida at kalaban ng bida (wala pa ang konsepto ng kontrabida sa epiko) na sa bandang huli ay magkakatuklasan rin lang na may relasyon sa dugo; magkapatid o magkamag-anak.  Sa pangkalahatan ito ang nabuong morpolohiya ni Cruz (Ibid., 292):
·         Una, aalis ang bayani sa kanyang bayan;
·         Ikalawa, makatatanggap ang bayani ng isang mahiwagan bagay;
·         Ikatlo, dadalhin o pupunta ang bayani sa pook kung saan naroroon ang isang hinhanap, na karaniwan ay isang mahal sa buhay;
·         Ikaapat, magsisimula ang bayani ng isang labanan;
·         Ikalima, makikipaglaban ang bayani nang matagalan;
·         Ikaanim, pipigilin ng isang diwata ang labanan;
·         Ikapito, ibubunyag ng diwata na magkamag-anak pala ang bayani at ang kanayang kaaway;
·         Ikawalo, mamamatay ang bayani;
·         Ikasiyam, mabubuhay muli ang bayani;
·         Ikasampu, babalik ang bayani sa kanyang bayan;
·         Ikalabing-isa, magpapakasal ang bayani

Ang kaibhan nito sa orihinal na andá ni Propp ay ang nadagdag na pagkamatay/pagkabuhay na wala sa 31 andá sa morpolohiya ni Propp. (Tignan ang reserts sa “kuwentong bayan,” naroon ang data tungkol kay Propp.)

Sa pag-aaral ni Cruz ay ay nahati niya ang mga pangyayari sa epikong Hinilawod Ikalawa sa mga sumusunod na andá (Ibid., 293)

1.      Aalis si Humadapnonn sa kanang bayan
2.      Ipaghihiganti ang kanyang kapatid na si Labaw Donggon gamit ang mahiwagang kapa
3.       
4.      Maraming kakaharaping labanan
5.      Tatagal ng pitong taon (ang isa sa mga laban)
6.      Pipigilin ni Laun Sina ang laban
7.      Ibubunyag niya na ang kalban ay si Amarotha
8.      Malalaman ni Humadapnon na ang kalaban ay ang kanyang patay na kapatid, pero nakulam na siya at nakatulog
9.      Magigising si Humadapnon dahil sa pagdating ni Nagmalitong Yawa
10.  Babalik sa knyang bayan si Humadapnon
11.  Pakakasalan niya si Nagmalitong Yawa

Hindi lang sinubukang iaplay ni Cruz ang morpolohiya ng naratibo sa mga epiko ngunit pati rin sa ibang texto tulad ng sa akdang Florante at Laura, sa patulang dasal na Pasyon, sa makabagong epikong The Archipelago ni Cirilo F. Bautista, epiko-biografi ni Imelda at Ferdinand Marcos, sa tatlong pelikula ni Fernando Poe Jr. na ang Panday, ang Pagbabalik ng Panday at Ang Panday: Ikatlong Yugto.  Kahit na nga sa naratibo ng buhay ni Benigno “Ninoy” Aquino ay puwedeng ilapat ang pagpapakahulugang gamit ang morpolohiya.

Subalit hindi lang sapat na hihinto ang kritika sa formalismo ni Propp kayat mula sa balarila ng wika ay itinuloy ni Cruz ang kanyang proyekto sa tinatawag na balarila ng lipunang Pilipino---sandig sa istrukturalistang pananaw.  Dito ay hinanguan niya ng kaisipan ang Marxiastang si Lucien Goldman dahil sa sinabi nito na “ang istruktura ng lipunan ay kasakay (homologous) sa istruktura ng panitikan.”  (Ibid., 295)  Ibig sabihin ay ang mga nabanggit na andá  sa itaas ay makikita rin sa ating lipunan.

Ginamit niyang patunay ang pagkakahawig sa unang anda, ang pag-alis sa bayan, ang penomenon ng OFW na bumabalik na makapangyarihan bitbit ang pwersadong katawagang “balikbayan” (tinawag pa nga sila ngayong mga “bagong bayani”).  Sa ikalawang anda naman ang pagtitiwala sa mahihiwagang bagay tulad ng “anting-anting” tulad na lang ng paggamit ng rosaryo at eskapularyo.  Ang ikatlong anda, ang pagkakatagpo ng bayani sa hinahanap dahilan na rin sa optimistikong pananaw.  Magkakaroon din ng labanan na mahaba na kung minsan ay hahantong sa pagkakadiskubre ng kamag-anak dahil ayon nga kay Cruz, pare-parehong lang namang Pilipino tayo.  Ito ang kapatirang iniakda ng nasyon.  Mahihinuha din ang pagkamatay at pagkabuhay ng bayan sa mga historikal na pangyayari mula sa pagkamatay/pagkabuhay ng InangBayan sa kamay ng Kastila, Amerikano, at Marcos.  At sa ikasampung andá ay ang pagbabalik ng bayani kung saan kasabay ng pag-uwi ng balikbayan ay ang pagdiriwang---signifikasyon ng pagtatapos ng naratibo ng ating buhay (Ibid., 296).

Naratolohiya



Naratolohiya


Ang naratolohiya ay pag-aaral ng istruktura ng kuwento o paanong ang istrukturang ito ay nakapagbigay-kahulugan sa texto ng kuwento.  Layon nitong pag-aralan ang kalikasan ng kuwento bilang nakasanayang praktis.  Ito ay bahagi pa rin ng istrukturalistang pananaw subalit sa rasong nakabuo na ito ng sarili nitong bokabularyo ay kinonsidera na bilang hiwalay na teorya. 
            Nagsimula pa kay Aristotle ang naratolohikal na pagbasa.  Sa pagsipat ni Aristotle ng mga dulang itinanghal sa Greece nakilala niya ang dalawang esensyal na elemento ng kuwento, ang ‘karakter’ at ‘aksiyon’ na siyang nagpapagalaw ng tinatawag niyang banghay (plot).  Kinilala niya ang bumubuo ng banghay bilang hamartia (pagkakamali o defekto ng karakter), anagnorisis (pagkapukaw ng karakter mula sa pagkakamali), at peripeteia (pagbaliktad ng pangyayari).  Ang tatlong kategoryang inilatag ni Aristotle ay nakapaloob sa tema at moral na layunin ng kuwento.
Samantala, mula sa pagiging pailalim na pagbasa ng istruktura, inilatag naman ni Vladimir Propp, isang Russian formalist, ang paimbabaw na pagbasa na nakabase sa lantad na aksyon ng karakter.  Sa kanyang pag-aaral ng mahigit sandaang kuwentong bayan, ay nailista ni Propp ang 31 basehang ‘functions’ (‘anda’ sa terminolohiya ni Isagani Cruz).  Sinasabi niya na lahat ng kuwento ay maaaring maipasaloob sa kahit ilan man o alin man sa 31 anda. 
Mula sa 31 anda ay pinagsama-sama ni Propp ang may pagkakahawig ng gawain ayon sa papel (roles) na ginagampanan ng mga karakter at nalikha niya ang pitong (7) ‘spheres of action:’
Linyar at kronolohikal ang kanyang anda at kailangang sumunod sa balangkas.  Sabi nga ni Propp, “events have a due order.”  Hangarin ng proyektong ito ni Propp na mapatunayan na lahat ng naratibo ay halos may pagkakapareho.  Gayunpaman, mapapansin na may ilang mga magkakalapit na kategorya na maaaring pag-isahin sa morpolohiyang ito ni Propp, na sinikap namang ayusin ng mga sumunod sa kanya.  Hindi rin nabigyang pansin ang perspektiba ng mananalaysay sa morpolohiyang ito.
Sinagot ni Gerard Genette ang kakulangan sa ginawa ni Propp.  Itinuon niya ang kanyang pagbasa sa pamamaraan ng pagsasalaysay ng kuwento.  Tiningnan niya ang kaibahan ng salaysay sa pamamagitan ng pagtakda ko ito ay ‘mimesis’ (nagpapakita) o ‘diegesis (nagsasabi); kung ang ‘focalization’ (perspeketiba) ay ‘external’ (sa labas ng karakter) o ‘internal’ (pag-iisip at pagdamdam ng karakter); kung sino ang nagsasalita sa kuwento (di-kilala at kilalang persona, heterodiegetic o tiwalag na narrator at homodiegetic o nakapaloob sa kuwentong narrator);  kung ang panahon sa kuwento ay ‘analeptic’ (mulang nakaraan) o ‘proleptic (pang-hinaharap); kung ang naratibo ba ay ‘frame narratives’ (pangunahing naratibo) o ‘embedded narrative’ (naratibong nakapaloob sa pangunahing naratibo); at ang pagsipat sa distansya ng salita (speech) sa pamamagitan ng pagkilala kung ito ay ‘mimetic,’ ‘transposed’ o ‘narrative’ na speech (ang kahalagahan nito ay paglantad ng distansya sa pagitan ng mambabasa at ng spoken words).
Sa kabilang banda, maaari ring gamitin ang tatlong teorya (Aristotle,Propp at Genette) para sa isang naratolohikal na pagbasa para ang di maiiwasang laktawan sa isang basa ay maaaring punahin ng isa.  Tinawag ito ni Peter Barry na ‘joined up’ narratology.
Ang pinakasimpling porma ng naratibo ay ang inimbento ni Freud na “fort-da” principle; ang ‘fort’ bilang ang pagkawala, at ang ‘da’ bilang pagkakita; hinango sa kanyang karanasan sa pag-oobserba sa kanyang apo na naglalaro sa isang bola?