Miyerkules, Setyembre 30, 2015

Feminismo

FEMINISMO
 
May mga teoristang nagsasabi na ang kagandahan ng feminismo ay nasa pagiging postmodern nito---ayaw magpakahon sa alinmang kategorya.  Ang kasaysayan ng kritisismong feminismo ay puno ng kontradiksiyon.  Nariyang halos subukan nitong ipasok ang iba’t ibang teorya para lamang baliktarin at gamitin para tumbahin ang patriarkal na ideolohiya.
Isa sa mga kahanga-hangang nangyari sa feminismo ay ang pagbuhay nito ng ‘autor’ dahil pinaniwalaang ‘patay’ na ang autor sa kontemporaryong panahon.  Binigyang-halaga at importansiya ng feminismo ang autor dahil siya ang nakadanas ng karanasan at akma ng paghulagpos.  Mahalagang ‘marinig’ ng mambabasa ang tinig na pinipi ng dominante at hegemonikong kalakarang patriarkal. 
Mahaba din ang pinagdaan ng kasaysayan ng kritisismong feminismo.  Ipinaliwanag halimbawa ni Elaine Showalter ang tatlong phases nito: ang feminine (1840-80), feminist (1880-1920) at female (1920 hanggang kasalukuyan).  Mula sa ‘panggagaya’ ng manunulat na babae sa lalaki, papuntang radikal na paghiwalay at sa pagkonstrak ng sulat at karanasan ng babae na mayroong “boses” na iba sa lalaki.  Samantala, kinilala lamang ni Toril Moi ang textong feminista ayon sa pagiging “feminist” (politikal na posisyon), “female” (biyolohikal), at “feminine” (kultural at socially constructed)---ang mga kategoryang ito ay nabuo ayon na rin sa ‘conditioning’ at ‘socialization’ na dinanas/ipinadanas sa mga babae sa mga akdang pampanitikan.  Naging layunin kung ganoon ng feminismo na ilantad ang mga ito at ipakita ang relasyon bilang mekanismo ng panlulupig ng patriarkal na sistema.
Noong una ang kritisismong feminismo ay nakatuon lamang sa pagbasa ng texto ngunit noong huli ay naiangat na sa pagteteorya at dumako na sa postistruktural at postmoderno.  Ang pagka-postmodern ng feminismo ay nalikha dahil sa paghalaw nito ng iba’t ibang istilo, porma at genre sa pagsusulat; naging ‘eclectic’ na ang feminist writing.  Sa isang pagbasa, ang katangiang eclectic na ito ay nakonstrak dahil sa pagbalikwas sa dominanteng porma na naghahanap ng organikong kaisahan; na sa isang katotohanan ay instrumento sa pagpapanatili ng sistemang patriarkal at gitnang-uri.  Ngunit masasabi rin, na itong eklektismo ay ang pagsandig ng feminismo sa paniniwalang ang panulat ng babae (kailan man) ay hindi magiging tulad ng sa lalaki: rasyunal, obhektibo at hindi emosyonal.
Isa sa mga patunay sa ganitong pananaw ay ang pagkilala, gamit ang linguistiko at sikoanalitik na teorya, sa prosa o tuluyan bilang lalaking panulat.  Handikap o magkakaroon ng kapansanan ang babae kung ito ang gagamiting porma sa pagsulat.  Dito naimbento ni Kristeva ang ‘symbolic’ at ‘semiotic’ na maaring gamitin sa pagsulat at pagbasa ng akda.  Sa ‘symbolic’ na aspeto ng texto pinaniniwalaang ang pagiging ‘fixed and unified’ ng kahulugan; samantala, sa ‘semiotic’ ang texto ay malayang gumamit ng wika sa paraang ‘displacement, slippage, condensation.’  Higit nitong pinalilitaw ang katangian ng babae bilang hindi hayag bagkus ay misteryoso.  At mas naipapakita ito sa tula kesa sa prosa.
Sa kabuuan, ang kritisismong feminismo ay may layuning muling iakda ang babae sa pagsusulat man o sa pagbasa ng panitikan.  Sa ganitong layunin ay maiaangat ang estado ng babae, mabibigyan ng boses, makalilikha ng sentro, mabigyang kapangyarihan at mailalagay sa di establing posisyon ang sistemang Patriarkal.

Huwebes, Setyembre 17, 2015

Sikoanalitiko

                                                            Sikoanalitiko

                                            
Malaki ang pagkakautang ng teoryang ito sa pag-aaral ni Sigmund Freud.  Si Freud ang tinuturing na isa sa mga tagapagsulong ng ‘moderno’ ng Times Magazine sa kabuuan ng 20th century dahil sa kanyang pagbaliktad ng kaalaman: ang pagpribelihiyo sa ‘unconscious’ at pagpalikod ng ‘conscious.” 
Sentral sa idea ni Freud ang pag-alam sa interaksiyon ng malay at di-malay na isipan ng isang tao/karakter.  Sa proseso ng analisis na tinawag niyang sikoanalisis, nabibigyang kahulugan ang mga pangyayari at simbolo sa pamamagitan ng paghahagilap ng koneksyon sa nakaraan.  Mahalaga ang nakaraan ng tao/karakter dahil ayon nga sa kanya “the child is the father to the man.” Sintoma kung ganoon ng kasalukuyang problema ang mga pangyayari sa nakaraan na kailangang kalimutan (repression) o ilipat sa iba (sublimation).  Mailalantad ang mga ito sa negosasyon ng id (unconscious), ego (consciousness) at superego (conscience).  At dahil nga dalawa lang ayon sa kanya ang basic instinct ng tao: eros (sex) at thanatus (agression), ang pagpigil ng id na siyang representasyon ng libido ang siyang nagdudulot ng sikolohikal na problema sa tao; una bilang neurotik, at didiretso sa saykotik.
Ang paghuli sa dahilan ng problema ay maaaring sa tinatawag niyang defense mechanisms at (Freudian) slips.  Maaari rin itong makita sa panaginip.  Kayat kung ilalapat sa panitikan ang pagbasa ng akda ay para ring isang dream analysis; naglalaro lamang sa realm ng representasyon at simbolisasyon (nasa displacement at condensation).
Sa kabilang banda, naging kahinaan ng teorya ni Freud ang pagiging sentro sa indibidwal at sa libidinal na analisis.  Dahil dito, ang kanyang teorya ay dinekonstrak at naipalitaw ang pagiging hegemonik ng sistemang Patriarkal (ginawa ng mga feminista).  Nire-interpret ito ng iba.  Si Carl Jung ang nagwasak ng indibidwalisasyon nang inimbento niya ang “collective unconscious.” Sa pananaw ni Jung, hindi magkahiwalay ang indibidwal at ang lipunan, na maaaring ang pag-iisip ng indibidwal at ng lipunan ay iisa. Ginamit niya ang mga konsepto ng anima (iskema ng babae) at animus (iskema ng lalaki) at arketipo (representasyon ng texto) para maipalabas ang kahulugan.  Nagkaroon ng gamit ang teoryang ito lalo na sa mga bansang nagkaroon ng kasaysayan ng kolonisasyon kung saan maraming aspeto ng kultura ang nagupi o na-repressed.
Inilabas din ni Jacques Lacan ang “Freudian” sa makaindibidwal at libidinal nitong karakter.  Dinala niya ito sa linguistikong laro ng wika.  “We are forced to accept the notion of an incessant sliding of the signified under the signifier” na inilarawan sa    S/s na formula.  Dito ay makikita ang impluwensya ng Istrukturalistang sina Saussure, Levi-Strauss at Jakobson pero humigit pa ang kanyang pananaw na nagmarka sa Postistrukturalismo.  Hayagang tinumba ni Lacan ang Humanismo sa kanyang teorya na “bago pa man ang awtor ay mas nauna na ang wika.”  Kaya ang mga tao/karakter ay babasahin na lamang bilang bahagi ng representasyon at mga simbolo sa ilalim ng mga kategoryang ikinabit para sa kumbenyens.  Hindi nakapagtataka na ang Lacanian na metodo ay nagtutulak na sa postmodernong sitwasyon gamit ang fragmentasyon, intertexto at reflexivity.  Naging posible ang mga ito dahil halos sabay na nalilikha (sa isipan ng mambabasa) ang parehong Imaginary at Symbolic na kaayusan.  Ang pagbasa kung gayon ay negosasyon sa dalawang kaayusan, ang pagtutumba at pagpapaangat ng mga nakatagong kaalaman.