Lunes, Enero 12, 2015

Postkolonyal na Paunang Salita


Panimulang Salita (Postkolonyal na Pagbasa)




            Ang Pagbabalik ng Babaylan tulad ng pagbabalik ng babaylan ay hindi lang isang pinakaaabangang pangyayari sa komunidad ng Bisayas ngunit ito’y pagbabadya ng isang Pagbabago. Kung babalikan ang Kolonyal na Kasaysayan, ang mga babaylan ay pinaluhod ng mga Kaparian at naging mga Manang ng Simbahan sa mga itinayong pueblo o bayan. Ang ibang tumutol sa Bagong Pananampalataya ay napilitang mamundok at doon nagtayo ng komunidad na hindi naaabot ng tunog ng Kampana ng Simbahan. Ang nanatili sa pueblo kung hindi man patagong gumagawa ng nakagawiang ritwal ay isiningit ang mga elemento nito sa mga seremonya ng Simbahan. Lumipas ang daang taon, nagising na lang ang Kaparian na ang Dating Pananampalataya ay naging Kalibúgan.

            Tulad ng mga babaylan, ang karamihan sa mga manunulat sa antolohiyang Pagbabalik ng Babaylan ay piniling magpasakop sa pormalistang Bayan ng Panulatan—ang Unibersidad—kung saan ang paraan ng pagsulat ay idinadaan sa Talamdan ng Palihan. Hindi nakapagtataka na karamihan din sa mga akda sa antolohiyang ito ay isinali—at nanalo—sa Palanca para sa Ritwal ng Batak-dungan at naging bahagi ng (posibling) Balasahon ng Panitikan. Magkagayunpaman, karamihan sa mga manunulat ay maituturing na gising at mulat sa kanilang Nakaandang Aram, at tulad ng mga naunang babaylan, sila rin ay nagsisingit ng mga katutubong elemento paminsan-minsan. Sa ganitong paraan, ang Dating Panulatan ngayon ay masasabi nang isang Kalibúgan.

            Kalibúgan. Mula sa salitang “libúg” na nangangahulugang pagkahalo, pagkalito, at pagkataká. Ito ang pinakaangkop na paglalarawan sa mga sugilanon sa antolohiyang Pagbabalik ng Babaylan. Mababasa sa mga sugilanon sa antolohiya ang iba’t ibang anyo at laman ng nauna nang sugidanon (epiko), hurobaton (kasabihan), pananglet (katumbas ng dagli sa Tagalog), at pinusong. Ang mga ito ay “pinaghalo” sa hiram sa panitikan ng Kastila na korido, sarswela, at siyempre pa, sa maikling kuwentong dala ng mga Amerikano. Kung gayon, ang mga sugilanon ng mga manunulat sa Kanlurang Bisayas ay hindi lang galing at hango sa iisang tradisyon, ito’y kabahagi at kabuuan ng pinagsamang tradisyon ng Katutubo, Kastila, at Amerikano na umakda ng “pinagtatakhan” at “nakakalitong” panitikan.    

Hindi matatawaran ang kahalagahan ng antolohiyang ito sa dahilang itinutuloy nito ang tradisyon ng pagsulat ng sugilanon na walang pag-ietsapwera sa Katutubong Kultura at kasalukuyang hamon ng Diskurso ng Wika, Bansa, Rehiyon, at Globalisasyon. Hindi matatawaran ang “pagbabalik” ng Editor na si John Iremil Teodoro na marahil ay kalipi ni Estrella Bangotbanwa, ang “Ina ng mga Babaylan” at siyang tumatawag sa mga babaylan sa buong Panay na magtipon-tipon tuwing ikapitong taon sa bundok ng Tubungan, na siyang nagtipon sa mga manunulat at ang kanilang mga sugilanon para mailathala sa antolohiyang ito.

Mabuhay ang mga manunulat ng Kanlurang Bisayas bilang mga bagong babaylan!



                                                                                                John  Barrios
                                                                                                UPV Village, Oton, Iloilo
                                                                                                04 Nobyembre 2014

1 komento:

  1. 6. Bumaba ang katayuan ng mga kababaihan sa lipunan. Alin dito ang HINDI nagbigay
    ng patunay sa usaping ito?
    A. Pari o mga kalalakihan ang namuno sa mga pagtitipong panrelihiyon.
    B. Mga babaylan ang nagmimisa sa mga simbahan,
    C. Ang mga babae ay tagalagay ng palamuti mga sa simbahan.
    D. Ang lugar ng mga kababaihan ay nasa apat na sulok lamang ng bahay.
    7. Ipinahiwatig sa mga aral ng Kristiyanismo na kung tayo ay gagawa ng kasamaan
    habang nabubuhay pa ang kaluluwa natin ay mapupunta sa
    A. impiyerno B. langit C. purgatoryo D. sementeryo​

    TumugonBurahin