Lunes, Enero 12, 2015

Postkolonyal na Paunang Salita


Panimulang Salita (Postkolonyal na Pagbasa)




            Ang Pagbabalik ng Babaylan tulad ng pagbabalik ng babaylan ay hindi lang isang pinakaaabangang pangyayari sa komunidad ng Bisayas ngunit ito’y pagbabadya ng isang Pagbabago. Kung babalikan ang Kolonyal na Kasaysayan, ang mga babaylan ay pinaluhod ng mga Kaparian at naging mga Manang ng Simbahan sa mga itinayong pueblo o bayan. Ang ibang tumutol sa Bagong Pananampalataya ay napilitang mamundok at doon nagtayo ng komunidad na hindi naaabot ng tunog ng Kampana ng Simbahan. Ang nanatili sa pueblo kung hindi man patagong gumagawa ng nakagawiang ritwal ay isiningit ang mga elemento nito sa mga seremonya ng Simbahan. Lumipas ang daang taon, nagising na lang ang Kaparian na ang Dating Pananampalataya ay naging Kalibúgan.

            Tulad ng mga babaylan, ang karamihan sa mga manunulat sa antolohiyang Pagbabalik ng Babaylan ay piniling magpasakop sa pormalistang Bayan ng Panulatan—ang Unibersidad—kung saan ang paraan ng pagsulat ay idinadaan sa Talamdan ng Palihan. Hindi nakapagtataka na karamihan din sa mga akda sa antolohiyang ito ay isinali—at nanalo—sa Palanca para sa Ritwal ng Batak-dungan at naging bahagi ng (posibling) Balasahon ng Panitikan. Magkagayunpaman, karamihan sa mga manunulat ay maituturing na gising at mulat sa kanilang Nakaandang Aram, at tulad ng mga naunang babaylan, sila rin ay nagsisingit ng mga katutubong elemento paminsan-minsan. Sa ganitong paraan, ang Dating Panulatan ngayon ay masasabi nang isang Kalibúgan.

            Kalibúgan. Mula sa salitang “libúg” na nangangahulugang pagkahalo, pagkalito, at pagkataká. Ito ang pinakaangkop na paglalarawan sa mga sugilanon sa antolohiyang Pagbabalik ng Babaylan. Mababasa sa mga sugilanon sa antolohiya ang iba’t ibang anyo at laman ng nauna nang sugidanon (epiko), hurobaton (kasabihan), pananglet (katumbas ng dagli sa Tagalog), at pinusong. Ang mga ito ay “pinaghalo” sa hiram sa panitikan ng Kastila na korido, sarswela, at siyempre pa, sa maikling kuwentong dala ng mga Amerikano. Kung gayon, ang mga sugilanon ng mga manunulat sa Kanlurang Bisayas ay hindi lang galing at hango sa iisang tradisyon, ito’y kabahagi at kabuuan ng pinagsamang tradisyon ng Katutubo, Kastila, at Amerikano na umakda ng “pinagtatakhan” at “nakakalitong” panitikan.    

Hindi matatawaran ang kahalagahan ng antolohiyang ito sa dahilang itinutuloy nito ang tradisyon ng pagsulat ng sugilanon na walang pag-ietsapwera sa Katutubong Kultura at kasalukuyang hamon ng Diskurso ng Wika, Bansa, Rehiyon, at Globalisasyon. Hindi matatawaran ang “pagbabalik” ng Editor na si John Iremil Teodoro na marahil ay kalipi ni Estrella Bangotbanwa, ang “Ina ng mga Babaylan” at siyang tumatawag sa mga babaylan sa buong Panay na magtipon-tipon tuwing ikapitong taon sa bundok ng Tubungan, na siyang nagtipon sa mga manunulat at ang kanilang mga sugilanon para mailathala sa antolohiyang ito.

Mabuhay ang mga manunulat ng Kanlurang Bisayas bilang mga bagong babaylan!



                                                                                                John  Barrios
                                                                                                UPV Village, Oton, Iloilo
                                                                                                04 Nobyembre 2014

Miyerkules, Enero 7, 2015

Kung ibig mo akong makilala





Kung ibig mo akong makilala,
lampasan mo ang guhit ng mahugis na balat,
ang titig kong dagat--
yumayapos nang mahigpit sa bawat saglit
ng kahapon ko't bukas.

Kung ibig mo akong makilala
sunduin mo ako sa himlayang dilim
at sa madlang pagsukol ng inunang hilahil,
ibangon ako at saka palayain.

Isang pag-ibig na lipos ng lingap,
tahanang malaya sa pangamba at sumbat
may suhay ng tuwa't ang kaluwalhati'y
walang takda--
ialay mo lahat ito sa akin
kung mahal mo ako't ibig kilalanin.

Kung ibig mo akong kilalanin,
sisirin mo ako hanggang buto,
liparin mo ako hanggang utak,
umilanlang ka hanggang kaluluwa--
hubad ako roon: mula ulo hanggang paa.

Linggo, Enero 4, 2015

Postkolonyalismo



Masasabing ang postkolonyalismo ay extensiyon ng kritisismong post-istruktural at materyalismong kultural.  Impluwensyado ito ng teorya ni Derrida at Foucault.  Nakatuon ang hangarin ng teoryang ito sa pagpahina at pagtumba ng unibersalismong pananaw ng liberal na humanismo sa paniniwalang ginagamit ang humanismo para lupigin ang mga kolonisadong mamamayan.
Ang humanismong liberal ay pinaniniwalaang patuloy na nagtatanghal ng hegemonya ng ‘puti’ at kanluraning pagpapahalaga at gawi.  Ito ang kinakailangang basahin sa parehong akda at di-akdang pampanitikan.  Magsisimula ito sa pagkakaroon ng kamalayan sa isang katutubo na halungkatin ang kanyang nakaraan para maimarka ang kanyang identidad at mabigyang bokabularyo ang kanyang tinig.  Sunod dito ay ang pagpapalitaw ng ideolohiyang kolonyal na sumakop ng kanyang katawan at isipan.  Sa ganitong proseso ay nailalantad ang pag-iiba (othering) na gina(ga)wa ng kolonisador---ang manifestasyon ng tinatawag ni Edward Said na ‘orientalismo’ o ang pag-akda sa taga-silangan para sakupin. Hindi nakapagtataka kung ang mga Pilipino ay nabansagang ‘tamad,’ ‘unggoy,’ ‘exotiko,’ ‘savage,’ at kung ano-ano pa na ipinapalagay na hindi katangian ng taga-kanluran (Kastila at Amerikano sa ating kolonyal na kasaysayan).
Sa kabilang banda, dahil nga sa hindi na mabuburang karanasang kolonyal hindi na maiiwasan ang paggamit ng ‘hiram’ na wika ng kolonisasor para isadiskurso ang pakikihamun sa kolonyal na hegemoniya.  Dapat itong ‘hiramin,’ kundi man ‘akuin’ para mabigyang boses ang subersibong idea.  Ginawa ito ni Rizal at iba pa nating propagandista, kung saan hiniram nila ang wikang Espanyol.
Tulad ng mga postmodernista na sineselebra ang pagka-pastiche na katangian, sineselebra ng postkolonyalista ang konsepto ng katauhang ‘hybrid,’ o ang pagkakaroon ng dalawahan o walang fixed na identidad.  Ngunit resulta lamang ito ng pagkakakilanlan ng sarili (ayon sa pagbaliktad ng ginawang pagmarka at pagkilala ng kolonisador) at ang muling pag-akda ng sariling kasaysayan at hinaharap sa pananaw na hindi na hiram.  Mahalaga dito ang ‘cross-cultural’ na konsepto kung saan maaari pa ring gamitin ang teorya at pormang natutunan sa kolonisador para pahinain at tumbahin ang patuloy nitong pananakop. 
Sentral sa postkolonyal na pag-aaral ang mga sinulat ni Homi Bhabha, isang Indian, na ayon sa kanya, bahagi ng teknolohiya ng kolonisasyon ang paghikayat sa mga katutubo na maging kapareho ng kanilang mananakop.  Tinawag niya itong mimicry o pag-gaya.  Kaya lang, kahit na anumang gawing panggagaya ng katutubo ay hindi pa rin sila magiging katanggap-tanggap.  Ito ay dahil ang proseso mismo ng panggagaya na ipinatutupad ay ‘lumilihis’ at ‘umaapaw’ kung saan maaaring magresulta sa higit na pagkilala sa pagiging ‘iba’ (other). “A subject of a difference that is almost the same, but not quite” o kung sa kulay ng balat naman, “almost the same but not white.”  Ngunit ang mahalaga, sabi niya, na sa proseso ng panggagaya ay lumilitaw ang isang ‘akda’ (writing), isang paraan ng representasyon na bumabalikwas sa hegemonya at kapangyarihan ng kolonisasyon.  Para itong pagbabalik ng titig ng ‘panopticon’ na ngayo’y nagmumula sa binabantayan.  Paradoksikal ang ganitong kondisyon dahil nga parehong naririyan, at wala rin, ang dapat hulihing mga diskurso.  At hindi rin makaalis-alis sa kolonyal na sistema.  Meron lamang sa postkolonyalismo ay ang pagkilala sa potensyal ng pagbaliktad.
Samantala, sa pag-aaral ni Said, partikular na sa kanyang “Orientalism,” ay nailantad niya ang kasaysayan at diskursibong praktis na ginamit ng mga taga-Kanluran para bigyang pangalan, iposisyon at sakupin ang mga taga-Silangan.  Inilantad ang ‘orientalismo’ bilang isang sistematikong diskurso (sakop ang politikal, sosyal, militar, siyensya, medisina at imahinasyon) na ginagamit ng kolonisador para mabihag ang isip at galaw ng katutubo sa isang partikular na espasyo at kapanahunan.  Si Said ay naglatag ng pananaw na ang panitikan ay maaring gamitin bilang tagatanghal ng hustisya at karapatan.  At ang manunulat ay ‘buhay’ at nakikialam at nagpapaabot ng kanyang malay na layunin.