Malaki ang pagkakautang ng teoryang
ito sa pag-aaral ni Sigmund Freud. Si
Freud ang tinuturing na isa sa mga tagapagsulong ng ‘moderno’ ng Times Magazine
sa kabuuan ng 20th century dahil sa kanyang pagbaliktad ng kaalaman:
ang pagpribelihiyo sa ‘unconscious’ at pagpalikod ng ‘conscious.”
Sentral sa idea ni Freud ang pag-alam
sa interaksiyon ng malay at di-malay na isipan ng isang tao/karakter. Sa proseso ng analisis na tinawag niyang
sikoanalisis, nabibigyang kahulugan ang mga pangyayari at simbolo sa pamamagitan
ng paghahagilap ng koneksyon sa nakaraan.
Mahalaga ang nakaraan ng tao/karakter dahil ayon nga sa kanya “the child
is the father to the man.” Sintoma kung ganoon ng kasalukuyang problema ang mga
pangyayari sa nakaraan na kailangang kalimutan (repression) o ilipat sa iba (sublimation). Mailalantad ang mga ito sa negosasyon ng id (unconscious), ego (consciousness) at
superego (conscience). At dahil nga dalawa lang ayon sa kanya ang
basic instinct ng tao: eros (sex) at thanatus (agression), ang pagpigil ng id
na siyang representasyon ng libido ang siyang nagdudulot ng sikolohikal na
problema sa tao; una bilang neurotik, at didiretso sa saykotik.
Ang paghuli sa dahilan ng problema ay
maaaring sa tinatawag niyang defense
mechanisms at (Freudian) slips. Maaari rin itong makita sa panaginip. Kayat kung ilalapat sa panitikan ang pagbasa
ng akda ay para ring isang dream analysis;
naglalaro lamang sa realm ng representasyon at simbolisasyon (nasa displacement at condensation).
Sa kabilang banda, naging kahinaan ng
teorya ni Freud ang pagiging sentro sa indibidwal at sa libidinal na
analisis. Dahil dito, ang kanyang teorya
ay dinekonstrak at naipalitaw ang pagiging hegemonik ng sistemang Patriarkal (ginawa
ng mga feminista). Nire-interpret ito ng
iba. Si Carl Jung ang nagwasak ng
indibidwalisasyon nang inimbento niya ang “collective unconscious.” Sa pananaw
ni Jung, hindi magkahiwalay ang indibidwal at ang lipunan, na maaaring ang
pag-iisip ng indibidwal at ng lipunan ay iisa. Ginamit niya ang mga konsepto ng
anima (iskema ng babae) at animus (iskema ng lalaki) at arketipo
(representasyon ng texto) para maipalabas ang kahulugan. Nagkaroon ng gamit ang teoryang ito lalo na
sa mga bansang nagkaroon ng kasaysayan ng kolonisasyon kung saan maraming
aspeto ng kultura ang nagupi o na-repressed.
Inilabas din ni Jacques Lacan ang
“Freudian” sa makaindibidwal at libidinal nitong karakter. Dinala niya ito sa linguistikong laro ng
wika. “We are forced to accept the
notion of an incessant sliding of the signified under the signifier” na
inilarawan sa S/s na
formula. Dito ay makikita ang impluwensya ng Istrukturalistang
sina Saussure, Levi-Strauss at Jakobson pero humigit pa ang kanyang pananaw na
nagmarka sa Postistrukturalismo.
Hayagang tinumba ni Lacan ang Humanismo sa kanyang teorya na “bago pa
man ang awtor ay mas nauna na ang wika.”
Kaya ang mga tao/karakter ay babasahin na lamang bilang bahagi ng
representasyon at mga simbolo sa ilalim ng mga kategoryang ikinabit para sa
kumbenyens. Hindi nakapagtataka na ang
Lacanian na metodo ay nagtutulak na sa postmodernong sitwasyon gamit ang
fragmentasyon, intertexto at reflexivity.
Naging posible ang mga ito dahil halos sabay na nalilikha (sa isipan ng
mambabasa) ang parehong Imaginary at Symbolic na kaayusan. Ang pagbasa kung gayon ay negosasyon sa
dalawang kaayusan, ang pagtutumba at pagpapaangat ng mga nakatagong
kaalaman.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento