Linggo, Setyembre 28, 2014

Feminismo





May mga teoristang nagsasabi na ang kagandahan ng feminismo ay nasa pagiging postmodern nito---ayaw magpakahon sa alinmang kategorya.  Ang kasaysayan ng kritisismong feminismo ay puno ng kontradiksiyon.  Nariyang halos subukan nitong ipasok ang iba’t ibang teorya para lamang baliktarin at gamitin para tumbahin ang patriarkal na ideolohiya.
Isa sa mga kahanga-hangang nangyari sa feminismo ay ang pagbuhay nito ng ‘autor’ dahil pinaniwalaang ‘patay’ na ang autor sa kontemporaryong panahon.  Binigyang-halaga at importansiya ng feminismo ang autor dahil siya ang nakadanas ng karanasan at akma ng paghulagpos.  Mahalagang ‘marinig’ ng mambabasa ang tinig na pinipi ng dominante at hegemonikong kalakarang patriarkal. 
Mahaba din ang pinagdaan ng kasaysayan ng kritisismong feminismo.  Ipinaliwanag halimbawa ni Elaine Showalter ang tatlong phases nito: ang feminine (1840-80), feminist (1880-1920) at female (1920 hanggang kasalukuyan).  Mula sa ‘panggagaya’ ng manunulat na babae sa lalaki, papuntang radikal na paghiwalay at sa pagkonstrak ng sulat at karanasan ng babae na mayroong “boses” na iba sa lalaki.  Samantala, kinilala lamang ni Toril Moi ang textong feminista ayon sa pagiging “feminist” (politikal na posisyon), “female” (biyolohikal), at “feminine” (kultural at socially constructed)---ang mga kategoryang ito ay nabuo ayon na rin sa ‘conditioning’ at ‘socialization’ na dinanas/ipinadanas sa mga babae sa mga akdang pampanitikan.  Naging layunin kung ganoon ng feminismo na ilantad ang mga ito at ipakita ang relasyon bilang mekanismo ng panlulupig ng patriarkal na sistema.
Noong una ang kritisismong feminismo ay nakatuon lamang sa pagbasa ng texto ngunit noong huli ay naiangat na sa pagteteorya at dumako na sa postistruktural at postmoderno.  Ang pagka-postmodern ng feminismo ay nalikha dahil sa paghalaw nito ng iba’t ibang istilo, porma at genre sa pagsusulat; naging ‘eclectic’ na ang feminist writing.  Sa isang pagbasa, ang katangiang eclectic na ito ay nakonstrak dahil sa pagbalikwas sa dominanteng porma na naghahanap ng organikong kaisahan; na sa isang katotohanan ay instrumento sa pagpapanatili ng sistemang patriarkal at gitnang-uri.  Ngunit masasabi rin, na itong eklektismo ay ang pagsandig ng feminismo sa paniniwalang ang panulat ng babae (kailan man) ay hindi magiging tulad ng sa lalaki: rasyunal, obhektibo at hindi emosyonal.
Isa sa mga patunay sa ganitong pananaw ay ang pagkilala, gamit ang linguistiko at sikoanalitik na teorya, sa prosa o tuluyan bilang lalaking panulat.  Handikap o magkakaroon ng kapansanan ang babae kung ito ang gagamiting porma sa pagsulat.  Dito naimbento ni Kristeva ang ‘symbolic’ at ‘semiotic’ na maaring gamitin sa pagsulat at pagbasa ng akda.  Sa ‘symbolic’ na aspeto ng texto pinaniniwalaang ang pagiging ‘fixed and unified’ ng kahulugan; samantala, sa ‘semiotic’ ang texto ay malayang gumamit ng wika sa paraang ‘displacement, slippage, condensation.’  Higit nitong pinalilitaw ang katangian ng babae bilang hindi hayag bagkus ay misteryoso.  At mas naipapakita ito sa tula kesa sa prosa.
Sa kabuuan, ang kritisismong feminismo ay may layuning muling iakda ang babae sa pagsusulat man o sa pagbasa ng panitikan.  Sa ganitong layunin ay maiaangat ang estado ng babae, mabibigyan ng boses, makalilikha ng sentro, mabigyang kapangyarihan at mailalagay sa di establing posisyon ang sistemang Patriarkal.

Linggo, Setyembre 21, 2014

Isang Sigarilyong Hindi ko Masindihan, ni Nazim Hikmet (salin ni Rogelio Mangahas)



(tula mula sa Turkey)

Maaaring mamatay siya anumang oras ngayong gabi,
isang sunog na tagpi sa kanyang kaliwang sulapa.
Siya’y patungong kamatayan, ngayong gabi,
            sa kanyang sariling kagustuhan, di-pinilit.
Mayro’n ka bang sigarilyo? Sabi niya.
Sabi ko’y
            Oo.
Posporo?
Wala, sabi ko.
            isang punglo ang magsisindi niyan para sa iyo.
Kinuha niya ang sigarilyo
            at lumayo
Marahil, siya ngayo’y nakadipa sa lupa,
            isang sigarilyong walang sindi sa pagitan
                        ng kanyang mga labi,
                                    isang sugat na umuusok sa kanyang dibdib.

Huwebes, Setyembre 11, 2014

Sikoanalitiko



Malaki ang pagkakautang ng teoryang ito sa pag-aaral ni Sigmund Freud.  Si Freud ang tinuturing na isa sa mga tagapagsulong ng ‘moderno’ ng Times Magazine sa kabuuan ng 20th century dahil sa kanyang pagbaliktad ng kaalaman: ang pagpribelihiyo sa ‘unconscious’ at pagpalikod ng ‘conscious.” 
Sentral sa idea ni Freud ang pag-alam sa interaksiyon ng malay at di-malay na isipan ng isang tao/karakter.  Sa proseso ng analisis na tinawag niyang sikoanalisis, nabibigyang kahulugan ang mga pangyayari at simbolo sa pamamagitan ng paghahagilap ng koneksyon sa nakaraan.  Mahalaga ang nakaraan ng tao/karakter dahil ayon nga sa kanya “the child is the father to the man.” Sintoma kung ganoon ng kasalukuyang problema ang mga pangyayari sa nakaraan na kailangang kalimutan (repression) o ilipat sa iba (sublimation).  Mailalantad ang mga ito sa negosasyon ng id (unconscious), ego (consciousness) at superego (conscience).  At dahil nga dalawa lang ayon sa kanya ang basic instinct ng tao: eros (sex) at thanatus (agression), ang pagpigil ng id na siyang representasyon ng libido ang siyang nagdudulot ng sikolohikal na problema sa tao; una bilang neurotik, at didiretso sa saykotik.
Ang paghuli sa dahilan ng problema ay maaaring sa tinatawag niyang defense mechanisms at (Freudian) slips.  Maaari rin itong makita sa panaginip.  Kayat kung ilalapat sa panitikan ang pagbasa ng akda ay para ring isang dream analysis; naglalaro lamang sa realm ng representasyon at simbolisasyon (nasa displacement at condensation).
Sa kabilang banda, naging kahinaan ng teorya ni Freud ang pagiging sentro sa indibidwal at sa libidinal na analisis.  Dahil dito, ang kanyang teorya ay dinekonstrak at naipalitaw ang pagiging hegemonik ng sistemang Patriarkal (ginawa ng mga feminista).  Nire-interpret ito ng iba.  Si Carl Jung ang nagwasak ng indibidwalisasyon nang inimbento niya ang “collective unconscious.” Sa pananaw ni Jung, hindi magkahiwalay ang indibidwal at ang lipunan, na maaaring ang pag-iisip ng indibidwal at ng lipunan ay iisa. Ginamit niya ang mga konsepto ng anima (iskema ng babae) at animus (iskema ng lalaki) at arketipo (representasyon ng texto) para maipalabas ang kahulugan.  Nagkaroon ng gamit ang teoryang ito lalo na sa mga bansang nagkaroon ng kasaysayan ng kolonisasyon kung saan maraming aspeto ng kultura ang nagupi o na-repressed.
Inilabas din ni Jacques Lacan ang “Freudian” sa makaindibidwal at libidinal nitong karakter.  Dinala niya ito sa linguistikong laro ng wika.  “We are forced to accept the notion of an incessant sliding of the signified under the signifier” na inilarawan sa    S/s na formula.  Dito ay makikita ang impluwensya ng Istrukturalistang sina Saussure, Levi-Strauss at Jakobson pero humigit pa ang kanyang pananaw na nagmarka sa Postistrukturalismo.  Hayagang tinumba ni Lacan ang Humanismo sa kanyang teorya na “bago pa man ang awtor ay mas nauna na ang wika.”  Kaya ang mga tao/karakter ay babasahin na lamang bilang bahagi ng representasyon at mga simbolo sa ilalim ng mga kategoryang ikinabit para sa kumbenyens.  Hindi nakapagtataka na ang Lacanian na metodo ay nagtutulak na sa postmodernong sitwasyon gamit ang fragmentasyon, intertexto at reflexivity.  Naging posible ang mga ito dahil halos sabay na nalilikha (sa isipan ng mambabasa) ang parehong Imaginary at Symbolic na kaayusan.  Ang pagbasa kung gayon ay negosasyon sa dalawang kaayusan, ang pagtutumba at pagpapaangat ng mga nakatagong kaalaman.                       

Miyerkules, Setyembre 3, 2014

Ang Taj Mahal





Ang Taj Mahal
Sahir Ludhianvi
(di kilala ang nagsalin)


Sa iyo, mahal ko, ang Taj ay sagisag ng pag-ibig. Mabuti.
Mabuti rin at sinasamba mo itong lambak na kanyang
            Kinatatayuan.
            Ngunit magtipan na lang tayo sa ibang lugar.

Ang mahirap, bibisita sa pagtitipon ng mga maharlika? Balintuna.
Ano’ng mapapala ng magsing-irog sa paglalakbay
Sa isang landas na may tatak ng poot ng mga naghahari?
Masdan ang mga sagisag ng palalong karangyaan,
Ang kapaligiran nitong tanda ng pag-ibig.
Nasisiyahan ka ba sa nitso ng mga patay na hari?
Kung gayon, masdan ang loob ng madilim mong tahanan.
Sa daigdig na ito, di-mabilang na mamamayan ang umibig.
Sino’ng makapagsasabi na ang damdamin nila’y di tunay?
Hindi lamang nila kayang magpalabas ng isang tulad nito
Pagkat sila’y mga pulubi . . . tulad natin.
Itong mga gusali at nitso, itong mga pader at moog
Kanser sa dibdib ng daigdig, nakamamatay na kanser
Na sumaid sa dugo ng ating mga ninuno
Na umibig din, mahal ko.
Ang sining nila ang siyang humubog sa kagandahang ito.
Ngunit sa nitso ng mga mahal nila’y walang nakaaalala;
Magpahanggang ngayon, ni walang nagsindi ng kandilang alay sa kanila.
Ang hardin na ito, ang palasyo sa tabing-ilog,
Ang mga nililok na pinto at dinding, itong arko, itong bulwagan—ang mga ito?
Pangungutya ng isang emperador na nakaluklok sa kanyang kayamanan
Sa pag-ibig ng ating mahihirap.
            Mahal ko, magtipan na lang tayo sa ibang lugar.

Lunes, Setyembre 1, 2014

Postmodernismo





Sinasabing ang postmodernismo ay lumitaw dahil sa kailangan nang bigyang pangalan ang iba’t ibang texto na mahirap nang ikahon ang porma at nilalaman.  Simula nang proyektuhin ng post-istrukturalismo ang pagdikonstrak sa namamayaning sentro at kaalaman, ang mga naglitawang texto ay humulagpos na sa mga saklaw ng disiplina ng linguistika, pilosopiya at kahit sa “teorya.”  Kahit nga ang diskursibong praktis (discursive practice) ni Michel Foucault ay hindi na sapat para ipaliwanag ang mga bagong likhang kaalaman at pormang pampanitikan.
Sinasabi na maiintindihan lamang ang postmodernismo kung ito ay bigyang-kahulugan in reference sa katambal nitong modernismo.  Ang modernismo, ayon sa mga praktis ng mga kilalang manunulat at artista ay yaong may pagpapahalaga sa konsepto ng subhektibo, fragmentasyon, paggiba ng pagkakaiba ng genres, at tendensiyang ikwestyon ang mismong genre—para makalikha ng isang inobatibo at eksperimental na texto.
Ganito rin halos ang postmoderno kayat parang wala ring pagkakaiba.  Ang malaking kaibahan lang ay, habang ang moderno ay nagsusumikap na makabalik sa sentro para maitanghal ang kaisahan ng texto, ang postmoderno naman ay sineselebra ang kawalan ng kaisahan ng texto at kawalan ng sentro.  Tinawag na “nostalgia” ang hangarin ng una at may karakter na pesimista at malungkot.  Samantala masaya at makulay ang postmoderno sa paglalaro at paghahalo-halo nito ng iba’t ibang texto na pinulot sa kung saan-saang espasyo at panahon.  Tinawag na “pastiche” ang ganitong kapamaraanan na ginagamit ng postmodernismo.
Marahil higit na maiintindihan ang ganitong pagkakaiba kung ipapakita sa visual arts.  Ganito ‘yon: habang dinadakila ng modernismo ang minimalismo at abstract art, ang postmoderno naman ay nagpapamukha ng naturalismo (sa literal na pakahulugan at mas kilala sa tawag na “kitsch”) at pinagsama-samang mga imahen mula sa iba’t ibang porma at genre ng visual arts (collage o “pastiche”).
Ayon kay Francois Lyotard, ang postmodernismo ay tumatahak sa direksyon ng paglikha ng ‘mininarratives’ at hindi ‘metanarrative.’  Ang ‘mininarrative’ ay yaong mga temporaryo, relatibo at makahulugan lamang sa isang ispesepikong grupo; halimbawa, ang texto ng homosekswal at babae.  Ang ‘metanarrative’ naman ay yaong autoritatibo, mapanakop at mapamuo (totalizing) na texto tulad ng “nasyunalismo” at “imperyalismo” na texto.
Isa pang katangian ng postmodernismo ay ang paniniwala nito sa kultura ng “hyperreality” kung saan ang katotohanan ay puwede nang madanasan sa isang hindi makatotohanang senyas at signifikasyon.  Tinawag itong “simulacra” ni Jean Baudrillard.  Sa ganitong pananaw, sinabi niya na “hindi nangyari ang Vietnam War” dahil ang nakikita at nabasa lamang natin tungkol sa Vietnam War ay yaong mga representasyon nito (na inakala na nating siyang totoo, na ginamit lang pala ng Amerika para tabunan ang kanilang pagkatalo sa Vietnam).
Ilan sa mga proyekto ng postmodernismo ay ang (1) paglantad ng postmodernong elemento sa isang texto, (fragmentasyon, non-linyar na naratibo, walang sentro) (2) Pagpapaharap (foreground) ng mga akdang may proyektong itago ang “real” lalo na yaong gumagamit ng “pastiche,” (mga nobela ni Gabriel Garcia Marquez?) (3) pagpapaharap ng mga intertexto, (pagbasa ng The Matrix at E. T. bilang intertexto ng mga relihiyosong texto) (4) pagpapaharap ng nakaraan (past) sa isang perspektibong balintuna (ironic), (historiographic metafiction tulad ng The Great Philippine Jungle ni Alfred Yuson) (5) kontrahin ang pananaw na may pagkakaiba ang mga uri ng kultural na texto (hal. Komiks at nobela) at susubukang pagsamahin ang mga ito para makalikha ng isang “hybrid” (ang pelikula ni Peque Gallaga na Pinoy Blonde na gumamit ng komiks at animation o ang Kill Bill ni Quintin Tarantino).